Kalokohan ng security agency, life insurance na mandatory
SUMUGOD sa aming action center ang isang sekyu at inire-reklamo ang kanyang security agency. Sinusumbong ang mababang pasahod at butas-butas na hulog ng kanyang mga benepisyo.
Bukod dito, kinakaltasan pa siya ng P250 kada sahod. Hindi malaman kung para saan. ‘Di pinaliwanag kung saan ito napupunta… baka diretso na sa bulsa.
Palusot ng inirereklamong Stateguard Security Corporation, hindi naman daw nila mina-magic ang mga kinokolekta. Para raw sa life insurance ng kanilang mga security guard ang kinakaltas na P250 tuwing kinsenas-katapusan.
Mandatory raw ito dahil ‘di sila mabibigyan ng lisensya at permit kung walang insurance ang kanilang tao. Tingnan ang kalokohan ng mga putok sa buho riyan sa Stateguard Security.
Tinawagan namin ang Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA), ang ahensiya ng PNP na under ang mga security agency. Walang direktiba ang SOSIA na mandatory insurance.
Patay kang bata ka! Bistado ang kalokohan. Sabog ‘yang mga bahay-tae n’yo, pag binisita kayo ng BITAG at SOSIA.
Nag-iimbento ang mga loko ng sarili nilang patakaran. Puwedeng kumuha ng life insurance ang mga sekyu, puwede ring hindi. Optional ito at walang pilitan.
Di naman ‘yan tulad ng SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG na mandato ng gobyerno. Bilang employer, kailangan ay walang puknat ang hulog nito. Dahil kung hindi, kriminal na kaso ang bubulaga sa inyo.
Ginagampanan ng sekyu ang kanyang tungkulin, pero ‘di nababayaran nang sapat ang serbisyo. At may kaltas pa! Hindi dapat obligahin ang mga sekyu na magkaron ng life insurance.
Kung pinaliwanag sana nang maayos ang buwisit na life insurance, di sana nanghuhula ang kanilang mga empleyado kung para saan ang ikinakaltas sa kanila. O baka naman sinadya na di ipaliwanag para gawing money-making scheme.
Kung hindi pa nagreklamo ang pobreng sekyu, hindi pa mabibisto ang kanilang raket. Uploaded na sa aming Youtube Channel, BITAG Official at website bitagmedia.com ang segment na ‘to. Part 1 pa lang ‘yan. Ang part 2, abangan!
- Latest