Lalaki, binaybay ang ilog sa uk sakay ng dambuhalang kalabasa
NAKAPAGTALA ng bagong kategorya sa world record ang isang lalaki sa United Kingdom matapos siyang makagawa ng isang pumpkin boat mula sa isang tig-619 kilo na kalabasa.
Dinala ang dambuhalang kalabasa sa River Ouse sa North Yorkshire, England kung saan ito sinakyan ni Tom Pearcy at sinagwan mula Ouse Bridge hanggang Skeldergate Bridge.
Ipinost ang video ng unang “paglalayag’’ ng pumpkin boat sa social media.
Napag-alamang wala pa palang kategorya ang Guinness World Records para sa mga bangkang gawa sa kalabasa kaya wala pang world record para rito.
Kaya naman nagsumite na ng applikayon ang grupo ni Pearcy sa Guinness upang gumawa ng bagong kategorya para sa mga pumpkin boats at upang kilalanin ang kanyang nilikha bilang pinakamalaking bangka sa mundo na gawa sa kalabasa.
Marami nang ibang pumpkin boats na napabalita sa media ngunit ayon daw sa kanilang pagsasaliksik ay wala raw sa mga ito ang mas malaki at mas mabigat kaysa sa pumpkin boat ni Pearcy.
Sa sobrang bigat ng pumpkin boat ay kinailangan pa itong iahon ng crane mula sa ilog. Idi-display naman ito sa publiko hanggang sa matapos ang Halloween festival sa lugar sa November 4.
- Latest