Truck driver, ginawang ‘noah’s ark’ ang bus upang sagipin ang 64 na aso’t pusa sa baha
ISANG truck driver sa Tennessee ang maaring nakakuha ng inspirasyon mula sa kuwento ni Noah sa Bibliya matapos niyang sagipin ang dose-dosenang hayop mula sa baha na sanhi ng pananalasa ng Hurricane Florence kamakailan.
Ngunit sa halip na gumawa ang 51-anyos na si Tony Alsup ng dambuhalang arko na katulad ng ginawa ni Noah, nagkasya na lamang siya sa pagmamaneho ng isang school bus upang magsakay ng mga hayop na na-stranded dahil sa baha.
Sa huling bilang ay nasa 64 nang mga hayop ang nasagip ni Alsup mula sa sakuna. Limampu’t tatlo sa mga ito ay mga aso samantalang 11 naman ay mga pusa.
Hindi niya kayang alagaan ang lahat ng hayop na kanyang nailigtas kaya naman inihahatid niya ang iba sa mga ito sa iba’t ibang animal shelters na nasa southern Alabama.
Habang hinahanapan pa niya ng mapagdadalhan ang ilan sa mga aso’t pusa ay komportable naman ang pamamalagi ng mga ito sa loob ng kanyang school bus, na tinanggalan ng mga upuan upang mas marami itong maisakay na mga hayop.
Wala namang balak si Alsup na tumigil sa kanyang pagkakawang-gawa dahil plano na niyang totohanin ang bansag sa kanya bilang makabagong Noah sa pamamagitan ng pagbili ng bangkang maari niyang sakyan sa pagsagip ng mga hayop sakaling masyado nang mataas ang baha sa kanilang lugar.
- Latest