Backpack mula Israel nagiging bulletproof vest bilang sagot sa school shootings
ISANG kompanya sa Israel ang gumawa ng isang bagong klase ng backpack para sa mga estudyante bilang sagot sa lumalaganap na insidente ng pamamaril sa mga paaralan.
Ayon sa kompanyang Masada-Armour ay maaring gawing bulletproof vest ang kanilang nilikhang backpack sa loob lamang ng 2 segundo sa pamamagitan lamang ng paglabas ng isang armored plate na nakatago sa isang hidden compartment ng bag.
Kayang pigilan ng backpack ang bala mula sa mga handgun samantalang kaya namang pigilan ng mas mahal na bersiyon ang mga balang magmumula sa mga mas mahahabang armas.
Nasa tatlong kilo ang bigat ng mas pangkaraniwang bersyon na nasa $500 (katumbas ng P27,000) ang presyo samantalang 4.2 kilo naman ang bigat at $750 (katumbas ng P40,482) naman ang presyo ng bersiyong kayang pumigil ng bala mula sa mas matataas na kalibre ng baril
Ayon sa isa sa mga may-ari ng kompanya na si Yair Rosenberg ay idinisenyo nila ang backpack para bigyan ng proteksyon ang mga estudyante laban sa mga mass shootings na karaniwan nang nangyayari ngayon lalo na sa United States.
Marami raw ang interesado sa kanilang produkto, lalo na’t parang warzone na ang mga paaralan kung saan marami ang namamatay mula sa kaliwa’t kanang insidente ng pamamaril.
- Latest















