Dy, may pakialam sa taong-bukid!
Habang may mga pulitikong puro dada at pa-picture lang ang alam, si House Speaker Bojie Dy III, gustong unahan ang problemang puwedeng dumurog sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda. Hindi pa man tuluyang nananalasa ang El Niño, kinakalampag na niya ang mga kinauukulang ahensiya para hindi na naman kawawa ang mga taong-bukid kapag dumating ang matinding tagtuyot.
Alam ni Dy na hindi biro ang mawalan ng pananim at huli. Para sa magsasaka, bawat punlang natutuyo ay katumbas ng perang pinaghirapan. Para sa mangingisda, bawat araw na hindi makapalaot ay isang araw ding walang kasiguruhan kung may maihahain sa pamilya.
Kaya hindi niya hinayaang mauwi sa puro usapan ang paghahanda. Isinulong niya ang pagbusisi sa kahandaan ng mga ahensiya ng gobyerno sa pamamagitan ng House Committee on Agriculture. Gusto niyang malinaw kung saan manggagaling ang tulong at paano ito agad makararating sa mga nangangailangan.
Mismong mga magsasakang dumulog sa Kamara at mga mangingisdang nakausap niya sa Isabela ang naglahad ng kanilang pangamba. Hindi ito simpleng reklamo. Ito ang boses ng mga taong araw-araw kumakayod pero laging alanganin ang kabuhayan.
Kasabay nito, isinusulong din ang dagdag na pondo para sa agrikultura sa panukalang 2027 national budget. Mahalaga ito para sa patubig, binhi, abono at iba pang tulong na kailangan ng sektor.
Pero malinaw din na hindi dapat hanggang pangako lang ang lahat. Kailangang bantayan ang pondo at tiyaking walang makakapal na mukha na sasawsaw sa perang para sa mga magsasaka at mangingisda.
Sa huli, magandang hakbang ang ipinapakita ni Dy. Ang hamon ngayon ay patunayan na ang kanyang mga isinusulong ay mararamdaman mismo ng mga taong-bukid.
Dahil hindi palakpakan ang kailangan ng magsasaka. Tubig sa bukid, laman sa sikmura at gobyernong hindi sila tatalikuran!
- Latest















