Daigdig may 2 buwan?
KARAMIHAN ng mga planeta sa kalawakan ay may dalawa o tatlo o limang buwan o mahigit pa. Pero, ang daigdig, mula pa pagkabata natin ay itinuturo nang iisa ang buwan ng ating planeta. Sa pangkalahatan, tinatawag sa ingles na mga satellite ang mga buwan na ito.
Gayunman, isa umanong bagong pananaliksik na lumabas sa Frontiers sa Astronomy and Space Sciences at hinalaw ng New York Post ang nagpapahiwatig na ang buwan ay aktuwal na pinakamalaki sa mga satellite ng daigdig at ang ibang mga mini-moon ay umu-orbit din sa ating planeta pero napakaliit ng mga ito na may sukat na nasa pagitan ng isa at dalawang metro at palitaw-litaw o pana-panahong nawawala kaya hindi masyadong napapansin dito sa daigdig.
Ayon sa mga mananaliksik, ang una sa mga mini-moon na ito ay unang natukoy noong 2006. Ito ang unang pagkakataon na may napansing, bukod sa Buwan, mayroon pang natural object na umu-orbit sa ating planeta. Isa umano itong tila bato o rogue object na nahagip lang ng gravity ng daigdig.
Ang mga mini-moon na ito ay tinawag ng mga scientist na “temporarily captured orbiters” at “temporarily captured flybys.” Tulad ng ipinahiwatig sa pangalan ng mga ito, hindi tumatagal sa orbit ng Daigdig ang mga ito. Sa halip, tumitilapon sila palayo sa Daigdig pabalik sa pusod ng kalawakan. Ang mga TCO ay kumukumpleto lang ng isang buong orbit habang ang mga TFC ay kung minsan ay dumadaan lang sa daigdig bago muling lilipad palayo nang napakabilis.
Sa kasalukuyan, ayon sa mga mananaliksik, isang TCO pa lang ang napansin at iyon ngang nabanggit na mini-moon na namataan noong 2006 pero naniniwala sila na sa pamamagitan ng mga nalilikhang makabagong telescope technology ay maaaring mamataan ang iba pang mga buwan na ito ng daigdig.
- Latest