Lugar sa Canada, kilala bilang ‘welcome center’ ng mga alien
HINDI lang Roswell sa USA o Bonnybridge sa Scotland ang may mga kuwento tungkol sa mga UFO. Sa bayan ng St. Paul sa Alberta, Canada, may isang maliit na bayan na literal na naglaan ng espasyo para sa mga bisitang galing sa kalawakan!
Itinayo noong 1967 bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-100 anniversary ng kalayaan ng Canada, ang St Paul UFO Landing Pad ay naging simbolo ng pag-asa at pagkakaisa.
Imbes na karaniwang monumento, napagdesisyunan ng mga lider at residente ng bayan na gumawa ng isang concrete platform na may lawak na 9 meters, at timbang na 130 tons na tila tunay na naghihintay ng paglapag ng isang UFO mula sa ibang planeta.
Sa ilalim nito, may nakatagong time capsule na nakatakdang buksan sa 2067.
Maliban sa pagiging patok na pasyalan ng mga UFO enthusiast at turista, naging sentro rin ito ng komunidad. Katabi ng landing pad ang isang UFO Information Centre na puno ng memorabilia, larawan, at kuwento ng umano’y UFO and alien sightings ng Canadians.
Dahil dito, napabilang na ang St. Paul sa pandaigdigang mapa ng mga destinasyong dinadayo ng mga naniniwala at nais makaranas ng “alien tourism”.
Hanggang ngayon, wala pang naitalang opisyal na UFO landing ngunit patuloy itong nagbubukas ng imahinasyon, hindi lang para sa mga taga-lupa kundi para raw sa sinumang bisitang galing sa kalawakan.
- Latest