Lalaki mula bulgaria, lumangoy ng 3 km habang nakagapos sa loob ng sako
NABAWI ng swimming instructor, lifeguard at adventurer na si Yane Petkov ang Guinness World Record para sa pinakamalayong distansiyang nalangoy habang nakagapos ang mga kamay at paa sa loob ng sako.
Nasa 3,380 metro ang nalangoy ng 64 anyos na si Petkov, na kinikilalang pantapat ng Bulgaria sa kilalang escape artist na si Houdini at sa Olympics record holder na si Michael Phelps.
Una nang nakapagtala ng world record si Petkov noong 2012 nang malangoy niya habang nasa kaparehong kondisyon ang layong 2,030 metro.
Sandali lang ang naging paghawak ni Petkov sa world record dahil wala pang isang taon, nahigitan na ito ng Indian na si Ghopal Kharvi, na lumangoy ng 3,071 metro noong 2013 habang siya’y nakagapos din.
Ngayon ay nabawi na ni Petkov ang titulo mula kay Kharvi, matapos siyang lumangoy na parang bulate sa loob ng tatlong oras bago nakaahon sa pampang na malapit sa bayan ng Ohrid.
Sinubaybayan ng Red Cross at ng iba’t ibang water sports club sa lugar ang ginawang paglangoy ni Petkov upang masigurado ang kanyang kaligtasan.
- Latest