Titser
MAY kakilala kaming lalaking titser sa public high school na tatlong taon pa ang hihintayin para magretiro pero inagahan ang pagreretiro dahil sa mga “wild” niyang mga estudyanteng lalaki. Kapag may kalokohang ginawa at kinastigo niya, ang mga ito ay sumasagot at malalakas ang loob na maghamon ng suntukan. Tigasin ang personalidad ng kakilala naming ito. Natatakot siya na isang araw ay makalimot siya at patulan niya ang paghahamon ng mga bastos na estudyante. Kapag nangyari ito ay baka mauwi sa wala ang mga retirement benefits niya.
Ikinumpara ko ang mga naging titser ko sa public elementary noong araw, 1967 to 1973. Mataas ang paggalang sa kanila noon ng buong komunidad. Kaya lang kahit may mali nang ginagawa bilang titser, wala pa rin magulang na maglakas ng loob na magreklamo. Mas nahihiya kaysa natatakot. Nahihiyang magreklamo dahil sa familiarity sa isa’t isa. Magkakakilala ang lahat ng tao dahil maliit lang ang aming bayan.
May isang lalaking titser sa grade 3 na ang parusang iginagawad sa mga estudyanteng lalaki ay paghubo sa mga ito sa harapan ng buong klase. Maliit lang ang aming bayan at alam iyon ng mga magulang pero walang nagrereklamo.
Minsan, recess noon, aksidente akong nadapa sa aming paghahabulan noong ako ay nasa 3rd grade. Masama ang aking bagsak. Hindi ako makagalaw sa pagkakadapa dahil napakasakit ng aking tuhod. Iyon pala, malaki ang sugat at dumudugo ito. Ang aking mga kaklase ay shocked. Walang makakibo para tulungan akong maitayo. Nakita pala kami ng aming titser. Tinulungan akong makatayo habang tinatalakan ako: Hayan, takbo nang takbo pero lampa naman.
Hindi pa nasiyahan sa pang-iinsulto. Pinansin ‘yung aking suot na ternong blouse at pantalon na usong-uso noon. Sa lakas ng impact ng aking pagkadapa, nabutas ang parteng tuhod ng pantalon na katapat ng nasugatan.
Sabi pa nito na may halong inis: “Next time, gugupitin ko ang pantalong ‘yan, kapag nakita kong isinuot mo ulit.” Ganoon lang. Iniwan ako nang hindi man lang ginamot ang aking sugat. Inihatid ako ng aking mga kaklase sa aming bahay. Hindi ko na isinuot ang damit na iyon kahit ni-repair ng aking ina. Natakot ako sa banta. Wala kaming uniporme sa elementary.
Noong ako ay magkokolehiyo, nag-suggest ang aking tiyahing titser na pagtititser ang aking kuhaning kurso. Halos matanggal ang ulo ko sa pag-iling. Bakit ko naman gugustuhin ang propesyon ng mga taong unang nagparanas sa akin nang pang-aalipusta? Remember my 6th grade teacher na nauna ko nang ikinuwento.
- Latest