Lumulutang na kainan
NARITO na rin pala sa Pilipinas iyong kontrobersiyal at kakatwang kainan na tinatawag na Dinner in the Sky. Ito yung isang Belgium-based novelty dining service na merong 22-seater dining bar na may mga upuang halos gaya sa roller coaster at iaangat ng isang crane sa taas na 150 talampakan o 50 metro sa ere o sa himpapawirin mula sa lupa. Matatanaw mo ang halos buong Manila Bay at ilang bahagi ng Maynila habang kumakain ka sa himpapawid. Limitado nga lang ang espasyo nito kaya malabo sigurong gawin dito ang mga party o anumang mga selebrasyon kung napakarami ang dadalo. May pagkaromantiko naman kung gabi at dito mag-date ang mga magkasintahan o mag-asawa.
Matagal na itong Dinner in the Sky na nakarating na sa may 45 bansa tulad ng sa Dubai, Las Vegas at Malaysia. Parang sa eroplano ang serbisyo na merong first class, business class at economy class. Nakasaad sa website ng mga namamahala nito na hanggang sa susunod na buwan lang ito sa Pilipinas.
At sa pagpasok niya sa Pilipinas ay naging viral at usap-usapan ito nang maraming netizen tulad ng sa Facebook. Partikular na natutukan ang presyo niya na naglalaro mula P10,000 hanggang P20,000. May mga nagulat, nananabik, nagtataka, nanghihinayang dahil sa kamahalan, may mga nangarap na makaranas kumain dito at may mga bumabatikos dahil hindi umano praktikal na magtapon ng malaking halaga rito.
Matatawag na luho o pangmayaman pero, kung may kakayahan naman ang bulsa, hindi rin masamang sumubok sa pangturistang karanasang ito. Pero, siyempre, kung kapos ka sa buhay, hindi praktikal na magtapon ka rito ng halagang P10,000 na maaaring magamit sa mas makabuluhang mga bagay.
- Latest