Sumailalim sa endoscopy
Ilang taon na rin po ang nararamdaman kong pangangasim ng aking sikmura. Ngayon naman po ay mag-iisang taon ko nang nararamdaman ang pananakit ng aking kanang baywang. Ito po ay nararamdaman ko lang kapag ako ay nagugutom. Niresetahan lang po ako ng doktor ng iba-ibang gamot pero pansamantala lang ang naging epekto nito sa akin.
Bumabalik-balik ang pananakit lalo na kapag nakakain ako ng mga bawal. Ang sabi po ng iba ay huwag ko na lang daw itong pansinin. Ang inaalala ko lang po ay baka lumalala.
Dok, ano po bang gamot ang pinakamabisa para dito. May mga ipinagbabawal po bang pagkain dito? --Joel ng Marikina
Kung hindi ka humuhusay sa mga gamot na ibinibigay sa iyo ng doktor, maipapayo kong sumailalim ka na sa endoscopy. Ito ay isang procedure kung saan ay nagpapasok tayo ng mahabang tubo (kung tawagin ay endoscope) sa lalamunan ng pasyente tungo sa kanyang esophagus, sikmura, at bituka. Sa pamamagitan nito, nasisilip natin kung ano talaga ang nagpapahirap sa tiyan mo. May gasgas ba sa sikmura? May bukol ba? May ulcer kaya? Makikita ang lahat ng ito sa TV monitor na nakakunekta sa endoscope.
Kung ulcer na ang nararanasan mo, mabuting mabigyan ka ng tamang gamot. Alam mo, hindi na sapat na antacid lang at mga tabletang nagpipigil sa pagpupundar ng acid sa tiyan ang iinumin para sa ulcer. Napatunayan kasi na may organismong nagdudulot ng peptic ulcer. Helicobacter pylori ang pangalan nito. Ang dapat ay mapuksa natin ito sa pamamagitan ng pag-inom ng antibiotiko.
Ngayon nga ay may ibinibigay na tayong antibiotiko kasabay ng dalawa pang klase ng gamot. Bale tatlong klase ng gamot ang ibinibigay sa pasyente. Triple drug therapy na ang ginagamit para sa kaso ng ulcer. Pati ang Helicobacter pylori ay pinapatay upang hindi na maging pabalik-balik ang ulcer.
Asikasuhin mo na maipasilip sa isang internist-gastroente-rologist ang iyong tiyan. Kung tama ang diagnosis, maibibigay natin ang tamang gamot. Baka kailangan mo ring sumailalim sa ultrasound ng gall bladder (apdo). Minsan kasi, ang panimulang sintoma ng apdong may bato ay pananakit ng sikmura na tumutugon sa likod (sa gawing kanan) matapos na kumain ng pagkaing matataba.
Maipapayo ang madalas na pagkain pero paunti-unti lamang (small but frequent feeding). Hindi kailangang mabusog talaga.
- Latest