‘Wag agad padala sa pangakong malaking kita
Matindi ang modus ng sindikato ng rent-tangay o rent- sangla na sangkaterba na ang naging biktima.
Libong mga sasakyan, karamihan ay mga bago pa ang sinasabing nakulimbat ng sindikato.
Nauso ang ganitong modus at marami nga agad ang nahulog sa matatamis na pangako ng mga sindikato .
Kamakailan ay nahuli na ng pulisya ang sinasabing isa sa bigtime lider ng rent-sangla na si Rafaela Anunciacion na nagmamay-ari ng rent a car firm at ang isa niyang tauhan na si Jhennelyn Berroya.
Sa kasalukuyan nasa 200 behikulo na ang narerekober ng mga awtoridad bukod sa 300 na narekober ng PNP-HGP sa Calabarzon.
Kawawa ang mga naging biktima ng ganitong modus, at ang estilo pa nga sa mga lalawigan halos ito nangungumbinsi na pinangangakuan ng malaking kita kung ipagkakatiwala sa grupo ang kanilang mga sasakyan.
Padadamahin sa una ang mga tinarget na biktima, pero kalaunan mawawala nang parang bula.
Lingid sa kaalaman ng mga biktima, sinanla na ang kanilang mga sasakyan.
Matindi ang modus ng sindikatong ito, hindi lang isa ang biktima sa isang sasakyan kundi dalawa, pati ang pinagsanlaan, dawit na rin sa kabila na malaking pera rin ang kanilang nailabas.
Biruing aabot daan-daang milyong ang halaga ng mga sasakyang na nakulimbat ng grupo ng sindikato, bukod pa nga sa mga perang kanilang nakuha sa kanilang pinagsanlaan.
Kaya nga patruloy ang paalala ng mga kinauukulan sa publiko, bago pumasok sa ganitong mga negosyo aba’y magberipika na rin munang maigi, nang walang mapagsisihan sa huli.
Maraming mukha ang mga kawatan, karamihan magaling magsalita at mang-enganyo kaya wag padadala agad sa mga matatamis na pangako.
- Latest