Peligro sa aluminum foil
LUMITAW kamakailan sa website ng Healthy Food House ang hinggil sa umano’y mga pa-nganib sa paggamit ng aluminum foil sa pagluluto ng mga pagkain. Walang binabanggit dito kung sino o anong grupo ng mga scientist o health expert ang nagsagawa ng pag-aaral sa epekto ng aluminum foil sa kalusugan ng tao maliban sa pagbanggit sa pangalan ni Dr. Essam Zubaidi na sinasabing isang chemical engineering researcher ng Ame-rican University of Sharjah sa United Arab Emirates. Hindi rin nabanggit kung kailan at paano isinagawa ang pag-aaral.
Ayon sa ulat, ang aluminum ay isang neurotoxic heavy metal na merong side effect sa utak at may kaugnayan sa sakit na pagkaulyanin o Alzheimer’s disease. Ang exposure umano sa heavy metal na ito ay maaaring magdulot ng matagal na masamang epekto kabilang ang panghihina ng isip, pagkawala ng balanse, memorya, coordination at bodily control.
Natuklasan din umano sa pag-aaral na ang pagluluto ng pagkain na nakabalot sa aluminum foil ay nakakasama sa mga buto dahil merong namumuong aluminum sa loob ng mga buto at hinahalinhan ang calcium kaya nababawasan ang level nito.
Bukod dito, iniuugnay din ng mga researcher ang pagluluto ng pagkain sa aluminum foil sa pulmonary fibrosis at iba pang karamdaman sa baga bunga ng pagkakalanghap ng aluminum particles. Ganito rin umano ang epekto sa kaso ng pag-iihaw ng pagkain na nakabalot sa aluminum foil.
Kapag lubha anilang naiinitan o nabibilad sa napakataas na temperatura ang aluminum foil, nagsisiksik ito ng ilang bahagi nitong metal sa pagkain.
Sa pagtatasa umano ni Zubaidy sa epekto ng aluminum sa pagluluto, natuklasan niyang umaabot hanggang 400mg ng aluminum ang humahalo sa pagkaing iniluto sa aluminum foil. Mas mataas ang temperatura, mas maraming metal nito ang pumapasok sa pagkain. Hindi umano angkop ang foil sa pagluluto at hindi rin angkop para gamitin sa mga gulay tulad ng kamatis, citrus juice o mga spices. Ang RDA (recommended daily allowance) parda sa aluminum, ayon sa World Health Organization, ay hanggang 60mg lamang araw-araw.
Matagal nang ginagamit ng maraming tao ang aluminum foil pero kokonti umano ang nakakabatid sa masamang epekto nito sa kalusugan. Hindi nga lang nilinaw sa pag-aaral kung ano naman ang maaaring epekto kung ginagamit ang aluminum foil bilang pambalot ng pagkain. Ipinahihiwatig lang ang pagsingaw ng mga metal at paghalo nito sa pagkain kapag naiinitan ang aluminum foil. Walang binabanggit sa ulat kung ang binabanggit nitong pag-aaral ay meron na ring ibang kahalintulad na pananaliksik na ginawa ng ibang mga researcher o scientist.
- Latest