‘Gawa na kabaong mo’
PINAGBANTAAN na papatayin at dadalhan ng kabaong. Ito ang ikinakabahala ni Lavelyn Biao.
May limang anak na pawang maliliit pa si Lavelyn kaya naman nangangamba siya sa kanyang kaligtasan.
“Hindi ako makatulog kasi natatakot ako sa gagawin niya. Para akong preso na pumupuslit na lang sa paglabas ng bahay,” pahayag ni Lavelyn.
Nang marinig niyang papatayin umano siya ng kapitbahay na si “Gemma” at papadalhan ng kabaong ay nagtungo na sa istasyon ng pulis si Lavelyn para magpa-blotter.
Inirefer naman daw siya sa barangay. Nagkaroon sila ng pagdinig ngunit hindi ito dumating sa unang paghaharap nila doon.
Nagwala pa daw ito sa may bahay nila at pinunit ang summon at ibinato pa sa bahay niya.
“Hinahamon niya ako. Natakot ako sa pwedeng mangyari sa akin. Payat lang ako at mataba siya,” wika ni Lavelyn.
Sa takot niya sa pagbabantang ito nang mangapit bahay ang kanyang anak ay hindi niya nasundan kaya nakagat ng aso.
Umiiwas-iwas na din daw siya sa taong nagbanta sa kanya dahil wala naman sa isip niya ang makipag-away. Maging ang mga anak niya ay hindi niya maihatid at masundo.
Tsismis ang pinagmulan ng lahat. Sinasabi daw ni Gemma na may kabit siya at malandi kaya nagkasagutan ang dalawa.
“Nagpaparinig na siya na magsama daw kami nung isang babae na pareho daw kaming kabit at malandi. Sa harap ng bahay ko inambahan at hinamon nya ako,” kwento ni Lavelyn.
Tinakot niya lang daw ito na sasampahan siya ng ‘trespassing’ kaya lumayo.
Habang naglalakad daw ito papalayo sa kanya ay sumisigaw pa ito. “May araw ka din! Humanda ka!”
“Papatayin ako at papadalhan niya ako ng kabaong. Pinapirma kami ng pagkakasundo pero parang mali ang ginawa kong pagpirma. May pwede pa ba akong gawin para makasuhan siya,” ayon kay Lavelyn.
Hindi daw niya matanggap ang dahilan ni Gemma na nasabi niya lang ang pagbabanta sanhi ng galit.
Ang naging pirmahan ng areglo nina Lavelyn ay hindi nangangahulugan na hindi na siya maaaring magsampa ng kaso. Kung sakaling ulitin ni Gemma ang paninirang puri at pagbabanta sa kanya ay may karapatan pa din siyang magsampa ng kaso.
Ireklamo niya ito sa barangay at kung hindi man dumating ang inirereklamo niya ay bibigyan siya ng barangay ng Certificate to File Action (CFA) para makapagsampa ng kaso sa Prosecutor’s Office.
Kalimitan kapag galit ang isang tao hindi na nito naiisip ang mga sinasabi kaya nga nagiging dahilan ito ng hindi pagkakaunawaan. Kadalasan sa mga magkakapitbahay ang pinagmumulan ng alitan ay ang tsismis.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest