^

Punto Mo

Interes sa Buwan

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

NAGING viral sa Facebook ang iba’t ibang litrato na kuha nang maraming tao na nag-abang at tumanaw sa tinatawag na Super Moon noong Lunes ng gabi nang bahagyang mapalapit ang Buwan sa Daigdig. Hindi lang sa iba’t ibang bansa kundi maging dito sa Pilipinas ay napukaw ang interes nang maraming Pilipino sa pambihirang kaganapan sa kalawakan. Nakatulong nang malaki ang mga smartphone na dahil marami ang gumagamit nito ay nagawa nilang malitratuhan ang satellite ng Daigdig na animo’y abot-kamay na lang sa pagmimistulang paglaki nito. Halos naging kakumpetensiya ng mga professional photographer ang mga gumagamit ng smartphone at tablet.

May mga lugar nga lang na hindi gaanong nakita ang buwan o kaya makulimlim at natakpan ito ng mga ulap o kaya ay tila mas malayo at maliit pa rin ito sa tingin. Gayunman, nakakasiyang isipin ang kapansin-pansing interes nang maraming tao kapag may mga pambihirang kaganapan sa buwan tulad na lang sa mga panahong may solar eclipse o lunar eclipse.  Siguro, dahil na rin gabi-gabi sa buong buhay natin ay nakikita natin ang buwan o kaya ay ang pagkakaroon nito nang malaking bahagi sa ating mga relihiyon at kultura sa mundo. Interes na sana ay mas lumawak pa at hindi lang sa panahong may eclipse at super moon.

Tulad ng dapat sana ay may sariling space program ang Pilipinas para hindi ito mapag-iwanan ng ibang bansa. Noong huling linggo ng Oktubre ng taong ito ay meron muling nagsampa sa Kongreso ng panukalang-batas para sa pagtatayo ng Philippine space agency. Sabi nga ng mga nagpapanukala nito, mapanganib na umasa lang ang Pilipinas sa space program ng ibang bansa. Malaki anila ang silbi nito sa usapin ng depensa at panahon ng kalamidad at sa tinatawag na climate change.  Paano na ang Pilipinas kung ang ibang mga bansa ay magagawa nang makapagtayo ng kanilang kolonya sa Buwan at sa ibang mga planeta tulad sa Mars? Mabuti sana kung lahat ng bansa ay tiyak na susunod sa isang pandaigdigang kasunduan may ilang dekada na ang nakararaan na walang sino man at walang bansa ang maaaring umangkin sa lahat nang bagay sa sanlibutan tulad sa mga planeta at bituin at kahit siguro sa mga asteroid.

Sa ngayon, masasabing ang US ang nangunguna sa mga space program tulad ng sa Mars mission at sa mga planong pagtatayo ng kolonya sa Mars. May balak din umano ang National Aeronautics and Space Administration nito na muling bumalik at magtayo ng base ng mga astronaut sa Buwan para gamitin itong lunsaran ng misyon patungo sa Mars. May nabasa nga ako minsan na tinatawag na American Martian ang mga Amerikanong unang makakatuntong sa Mars.  Pero masarap din sigurong pakinggan ang titulong Pilipino Martian.

RAMON M. BERNARDO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with