Retiradong doktor sa China, ibinenta ang mga ari-arian para maalagaan ang mga aso at pusang gala
SI Weng Xiaoping ay isa sa mga kinikilalang doktor sa China ngunit ngayon ay ginugugol na niya ang kanyang oras bilang isang retirado sa pag-aalaga ng mga aso at pusang pagala-gala sa lansangan. Mas nakakamangha ang kanyang kuwento dahil ibinenta niya ang kanyang mga natitirang ari-arian na nagkakahalaga ng 1.8 milyong yuan (katumbas ng P13 milyon) para sa kanyang misyon na alagaan ang mga kaawa-awang hayop.
Gamit ang napagbentahan, nagpunta si Weng sa Taipingqiao, Huzhou City walong taon na ang nakakaraan at doon ay nagtayo siya ng isang santuwaryo para sa mga aso at pusang inabandona ng kanilang mga amo sa lansangan.
Ngayon ay daan-daan nang mga hayop ang dumaan sa panga-ngalaga ni Weng. Nagagawa niya ito sa tulong ng dalawang assistant na kanyang sinusuwelduhan gamit ang 7,000 yuan (katumbas ng higit na P50,000) mula sa kanyang buwanang pensyon.
Madalas ay kinakapos din siya ng salapi para sa kanyang mga alaga. Umaabot kasi sa 50 kilong bigas ang nakakakain ng mga hayop na nasa kanyang pangangalaga kaya minsan ay kailangan niyang umasa sa mga nagmamagandang loob na magdonasyon sa kanyang sanktuwaryo.
Ang pangunahing pinag-iisipan ngayon ni Weng ay kung sino ang magmamana sa sanktuwaryong kanyang itinayo kapag siya ay masyado nang matanda para sa pagpapatakbo nito. Umaasa siyang mamahalin din ng sinumang susunod sa kanyang yapak ang mga aso at pusang pinagbuhusan niya ng panahon at pag-aalaga.
- Latest