Rugby boys, nagkalat sa Maynila
NOONG nakaraang Biyernes dalawang dayuhan ang naging biktima ng nagkalat na ‘rugby boys’ sa lungsod ng Maynila.
Isang Polish at isang Indian ang kapwa inagawan ng kuwintas at hikaw sa magkahiwalay na insidenteng naganap sa Binondo at sa Paco, Maynila.
Ilan lang ito sa mga nadadalas na pambibiktima ng mga ‘rugby boys’ sa mga dayuhan o turista sa lungsod.
Matagal na itong inaangal hindi lang ng mga turista kundi ma-ging ng marami pa nating kababayan kadalasan eh mga estudyante.
Ang masaklap nito, sangkaterbang mga rugby boys ang totoong nagkalat sa mga lansangan sa lungsod.
Hayagan ang pagsinghot ng mga ito sa dala-dalang plastic at kapag mga bangag na doon na nagsasagawa ng kanilang mga modus, doon na namemerwisyo.
Eto pa, dyan lang halos sa mismong tapat ng city hall ng Maynila, sangkaterba ang nagkalat na rugby boys. Halu-halo, may matanda at mga bata parang ginagawa nang singhutan nila ang lugar, pero hindi naman pinapansin ng mga kinauukulan.
Dyan din nakatambay yung nagpapa-u-turn sa center island habang may hawak na plastic ng rugby at singhot nang singhot.
Hinahayaan nang ganun na lamang.
Kung nililinis ni Mayor Erap sa mga palaboy ang lungsod, aba’y dapat din nilang tutukan ang mga ‘rugby boys’ na ito na tila mas banta sa marami dahil kapag wala nang pambili nang masisinghot doon na nga gagawa ng paraan kumita lang sa ilegal na paraan.
Kahit nakikita ito ng ilang traffic enforcer ng Maynila mukhang dedma sila kahit nagse-session nang singhutan, kung bakita Mayor, abala sila , dahil ang inaabangan at matindi umanong binabantayan eh yung mga nagsu-swerving na mga sasakyan.
Pero yung nag-uuturn sa center island ay di pansin.
- Latest