EDITORYAL – Mga karag-karag na sasakyan h’wag nang irehistro ng LTO
BAGO na ang hepe ng Land Transportation Office (LTO) at sa aming paniwala dapat nang magkaroon nang pagbabago sa tanggapang ito na batbat ng kontrobersiya. Nakalubog sa kumunoy ng kung anu-anong isyu --- hindi maideliber na mga plaka, lisensiya at pagkuha ng NBI-police clearances sa mag-aaplay ng driver’s license. Pero sabi ng bagong hepe na si Roberto Cabrera, magsasagawa siya ng reporma. Inaasahan ang pangakong ito ni Cabrera.
Isa sa mga maaaring gawing reporma sa LTO ay ang pagpigil sa mga irerehistrong lumang sasakyan partikular ang mga dyipni at trak. Huwag nang dagdagan pa ang mga nagpapatrapik sa mga kalsada sa Metro Manila. Kung hindi na hahayaang marehistro ang mga karag-karag, mababawasan ang grabeng trapik sa Metro Manila. Sa dami ng mga lumang sasakyan (15 taon pataas) dusa ang mamamayan sapagkat dagdag ang mga ito sa trapik. Sa kasalukuyan, inaabot ng dalawa hanggang tatlong oras ang biyahe mula Trinoma hanggang Makati City.
Sabi ng isang senior official ng American Chamber of Commerce in the Philippines, lalo pa raw lulubha ang trapik sa Metro Manila sa 2020. Solusyon niya ay ang pagdaragdag ng mga bagong kalsada at skyway. Madadagdagan pa umano ng 500,000 ang mga sasakyan sa 2020. Kapag dumami, napakahirap nang manirahan sa lungsod na ito. Kung hindi magkakaroon ng mga access roads sa bansa, mararanasan ang pinakagrabeng trapik sa Metro Manila.
Tama ang assessment ng opisyal ng Chamber of Commerce. Tama rin ang kanyang payo na dapat magdagdag ng mga kalsada at skyway pero ang pinaka-epektib na paraan ay ang huwag nang payagan ng LTO na irehistro ang mga lumang sasakyan.
Ipag-utos ni LTO chief Cabrera na huwag nang irehistro ang mga lumang sasakyan. Bukod sa nagpapasikip sa trapik, naghahatid din ng pollution ang mga lumang sasakyan. Kung magagawa ito ni Cabrera, marami ang pupuri sa kanya.
- Latest