Litratong digital
SA kasalukuyang panahon, hindi na nawawala sa eksena ang mga smartphone at tablet sa mga reunion ng mga magkakamag-anak, pamilya, magkakaibigan, magkakakilala o dating mga magkaeskuwela. Bawat bahagi ng kanilang mga kasayahan ay mabilis na nalilitratuhan at nairerekord. Tulad nitong nagdaang pagdiriwang ng kapaskuhan at pagsalubong sa bagong taon. Muling namutiktik sa mga litrato ng iba’t ibang reunion ang mga social media site.
Dahil sa makabagong teknolohiyang ito, hindi na kailangang maging professional photographer para makakuha ng magandang litrato. Madali pa itong itago at ipreserba sa naturang mga gadget na maaaring mabuksan anumang oras. Huwag lang makakatuwaang “hiramin” ng mga snatcher, mandurukot at holdaper.
Gayunman, iba pa rin ang epekto ng litratong nasa papel o iyong tinatawag na hard copy nito. Matrabaho nga lang ang pag-iipon nito at paglalagay sa photo album at magastos pa sa pagpapa-print lalo na kung napakarami ng mga litrato pero meron pa rin siyang tila mahikang nagpapagalaw sa puso ng isang tao kapag personal niyang nahahaplos, nahahawakan at natitingnan ang isang larawan ng mga tao o lugar o kaganapan na merong bahagi sa kanyang buhay. Isang kakilala ang nagawa pang magpa-print ng daan-daang mga litrato ng kanyang kasal bukod pa sa mga nakatago sa kanyang smartphone at laptop.
Minsan nga, sa lugar namin, nakakadama rin ako ng lungkot tuwing mapapadaan ako sa isang dating photo studio na noong araw ay malakas kumita sa dami ng mga nagpapakuha dito ng litrato. Pero humina ang negosyo nito hanggang magsara dahil na rin sa pagsulpot ng mga laptop, smartphone at tablet na merong kasamang mga camera. Noong araw na hindi pa uso ang mga gadget na ito, parang kabuteng nagsulputan sa mga shopping center, palengke, bangketa at kung saan-saan pang lugar ang mga maliliit na photo studio na nag-aalok ng litrato para sa mga ID. Ngayon ay naglaho silang parang bula. Meron pa rin namang natitirang ilang mga photo studio pero digital camera na ang gamit kaya hindi ka na mabibigyan ng negative copy ng litrato na maaaring i-print kapag kailangan muli. Bihira na ring makakita ng mga photographer na bumubuntot sa mga taong namamasyal sa Luneta dahil halos karamihan ng mga tao ay may sarili nang mga smartphone at tablet na may camera.
Hindi pa naman siguro tuluyang mawawala ang mga photo studio na iyan at maging ang mga photo paper na pinaglilimbagan ng mga larawan dahil kailangan pa rin ang mga nakapapel na litrato sa mga ID at sa iba’t ibang transaksiyon sa mga opisina sa gobyerno at pribadong sektor. Maliban na lang kung lahat ng transaksiyong ito ay magiging ganap nang digital.
- Latest