Hayaang lumapit ang mga bata
NOONG bata pa ako, ginagawa namin ng aking mga kalaro na pahingahan ang simbahan. Pagkatapos naming maglaro sa patio ay doon kami nagtatakbuhan sa loob ng simbahan, mauupo habang ang mga paa na hinubaran ng tsinelas ay nakatapak doon sa malambot na luhuran. Wala kaming ginagawa kundi nakatingin sa altar at pinagmamasdan ang buong simbahan. Tapos kapag may napansin na kakaiba kagaya ng putol na daliri ng isang santo o kaya ay nabasag nitong ilong ay iyon ang aming magiging topic ng usapan hanggang sa maisipan naming magsiuwi na sa aming bahay.
Mahina lang ang aming boses dahil alam naming may echo sa loob ng simbahan. Kapag narinig ng mataray na caretaker ang aming boses ay ipinagtatabuyan niya kami palabas ng simbahan. Minsan nagkataon sigurong mainit ang ulo ng matandang caretaker. Lumalapit pa lang kami sa pinto ng simbahan ay iwinasiwas na nito ang walis na hawak na tila nakahandang ipamalo sa sinumang bata na magpipilit pumasok sa simbahan.
“Ano magtatambayan na naman kayo dito sa simbahan!”
Isang kalaro ang magalang na sumagot, “Hindi naman ho kami nag-iingay sa loob ng simbahan. Nakikipag-usap lang kami kay Jesus.”
“Kung anu-ano pa ang ikinakatwiran ninyo, hala, magsiuwi na kayo!”
Sa halip na umuwi ay dumiretso kami sa aming parish priest at inireklamo ang caretaker na mataray.
“Father masama ba ang umupo sa loob ng simbahan?”
“Masama po ba ang makipag-usap kay Jesus?
Sunod-sunod na tanong ng aking mga kalaro. Ang lahat nang iyon ay sinagot ng pari ng: “Walang masama sa inyong ginagawa. Hayaan n’yo at kakausapin ko ang caretaker.”
Pagkaraan ng isang linggo, nasa patio uli kaming magkakalaro. Sinubukan naming pumasok sa simbahan. Kasalukuyang naglilinis ng altar ang caretaker. Himala! Hinayaan lang kaming pumasok sa simbahan. Hindi kami ipinagtabuyan.
“Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos.” Mark 10:14
- Latest