Pag-iisa at pag-iipon ng pera
NAGKAUMPUKAN ang mga kamag-anak ko isang mainit na tanghali sa aming probinsiya. Bihirang mangyari iyon. Nagkataon lang na umuwi ang aking ina at tiya kaya nagkaipon-ipon habang nagkakainan sila ng banana cue. Kung saan-saan napadako ang kuwentuhan hanggang sa napako ang topic sa mga kamag-anak na naging single mom. Napansin nilang parang natural na bagay na lang ngayon ang pagkakaroon ng anak sa pagkadalaga. Hindi kagaya noong araw na ang bagay na ito ay isang “napakabigat” na pangyayari dahil nakasalalay ang kahihiyan ng pamilya.
Biglang humirit ang aking tiya na matandang dalagang-binata: “Sana, noong aking kabataan ay ganito na kalawak ang pang-unawa ng mga tao tungkol sa pagkakaroon ng anak sa pagkadalaga. Nagpabuntis na lang sana ako para ngayon ay may anak ako na kasama ko sa aking pagtanda.”
Nagkatawanan ang magkakausap. Ang sagot ng aking ina sa biro ng kanyang kapatid na dalagang-binata: “Ay! Kung ginawa mo iyon, siguradong mas lalo mong pinaaga ang kamatayan ng ating ina.” Edad 49 nang pumanaw si Lola.
Dala marahil ng lungkot dahil sa kanyang pag-iisa ngayong matanda na siya, nakapagbitaw ng ganoong joke ang aking tiya. Inaaliw na lang niya ang sarili para mapagtakpan ang insecurities na unti-unti nang bumabalot sa kanyang puso. Ano nga ba ang dapat gawin ng isang tomboy o bakla para paghandaan nila ang kanilang pagtanda? Kung hindi kayang magpabuntis, mambuntis, o mag-ampon, siguro ay mag-ipon na lang ng maraming pera upang iyon na lang ang “pagalawin” para may pambayad ka sa mga taong mag-aalaga sa iyo sa panahong hindi mo na kayang pangalagaan ang sarili. Kawawa kapag tumandang walang naipong pera.
- Latest















