PCSO, dapat imbestigahan ng Ombudsman
DAPAT bigyang prayoridad ng Office of the Ombudsman ang pag-iimbestiga sa Philipine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kaugnay ng mga napaulat na umano’y anomalya sa ahensiya.
Hindi dapat balewalain ang mga eskandalo sa PCSO dahil mismong si PCSO chairman Ayong Maliksi ang humihiling sa Ombudsman na ito ay imbestigahan sa lalong madaling panahon.
Bukod dito, naunang pinaimbestigahan ni Maliksi sa National Bureau of Investigation ang small town lottery (STL) at nakumpirmang ito ay ginagawang front sa illegal jueteng operations sa bansa.
May mga ulat na may palakasan sa PCSO at may ilang mayayaman o may kakayahan nakakakuha ng pondo sa PCSO para sa mga tulong pinansiyal sa mga may sakit bagama’t ang dapat na tulungan lang ay mga lihitimong mahihirap na mamamayan.
Malinaw na ang mandato ng PCSO ay para tulungan ang mga mahihirap na mamamayan at batay sa pagsusuri ng DSWD.
Bukod dito, nabunyag din sa pagdinig sa Kongreso na aabot sa P2.9 billion ang pagkakautang o hindi paniningil sa PCSO ng documentary tax sa mga STL operator mula 2006 hanggang 2015.
Walang maisagot na maliwanag si PCSO general manager Ferdinand Rojas hinggil sa hindi paniningil nito ng documentary tax sa mga STL operators na isang malaking kawalan sa gobyerno.
Dapat papanagutin ng Ombudsman si Rojas at ang buong board dahil bilyong piso ang pinag-uusapan dito at pasok na pasok ito sa kasong plunder.
Umaasa ang publiko na bibigyan ng prayoridad ng Ombudsman ang mga usapin sa PCSO at agad masasampahan ng kaso ang mga opisyal upang managot kapag napatunayang may katiwalian at pagkukulang.
- Latest