Chatbot: ‘Di dapat ituring na tao (Part 1)
Kamakailan, may nabasa akong artikulo sa isang technology website na tumatalakay kung kaibigan ba o hindi ang Artificial Intelligence o AI, mga limitasyon nito at panganib kung sobrang aasa o mahuhumaling dito ang sino man. Nakakalungkot lang na kapag binasa mo nang buo ang artikulo, paulit-ulit nitong binabanggit ang “AI” kahit ang tinutumbok lang naman ay mga chatbot.
Kung baga sa Ingles, parang sumasaklaw sa pangkalahatan kahit ang pinatutungkulan niya ay mga chatbot na ilan lang sa maraming klase ng AI na nagagamit ngayon sa maraming larangan ng lipunan tulad sa medisina, edukasyon, kalusugan, pananaliksik, teknolohiya, seguridad, agham, komunikasyon, transportasyon, pamimili, negosyo, industriya, transaksiyon sa pera, mga bayarin, kahit sa social media, panonood ng video, pagmo-monitor ng klima, at iba pa.
Marami ring klase ang chatbot depende sa layunin o gamit nito. Pero meron ding punto iyong artikulo na nagpapaalala na, kahit maganda at magaling na kausap ang chatbot, hindi pa rin ito tunay na tao. Wala itong pakiramdam, emosyon, pang-unawa at ibang kalikasan ng totoong tao. Ginamit marahil ang mas kilalang salitang “AI” imbes na “chatbot” para makatawag ng pansin.
Nabanggit naman sa artikulo ang pag-aaral ng Apple tungkol sa mga tinatawag na Large Reasoning Models o chatbot na gaya ng ChatGPT. Ayon sa kanilang ulat, mukhang matalino lang ang AI o chatbot dahil mahusay itong gumamit ng wika, pero sa totoo lang, hindi ito tunay na marunong mag-isip. Kapag simple ang tanong, kayang-kaya niya.
Pero kapag masalimuot o malalim ang problema, bigla itong nadadapa. May mga pagkakataong kahit isubo mo na ang tamang sagot sa kanya, hindi pa rin niya maisakatuparan nang maayos ang lohika. Parang estudyanteng magaling mag-“memorize” pero hirap sa application.
(Itutuloy)
- Latest