EDITORYAL – Sana, pati air pollution at basura matalakay sa APEC
HINDI lamang pala tungkol sa trade at investments ang tinatalakay at pinag-uusapan ng mga lider sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit. Kabilang na rin sa pinag-uusapan ay ang tungkol sa environment, women issues, water, health, food nutrition, energy at transportations. Gaganapin ang APEC mula November 18-19 at dadaluhan ng 21 lider ng mga bansang miyembro nito. Naging host na ang Pilipinas ng APEC noong 1995.
Kung malawak na ang pag-uusapan sa APEC at hindi lamang limitado sa kalakalan at pag-i-invest, magandang matalakay sana ang ukol sa air pollution at pati na rin ang usapin sa basura. Mahahalagang isyu ito na problema ng bansa.
Ayon sa report, ang air pollution sa Metro Manila ay umabot na sa average na 163-200 micrograms per normal cubic meters. Ito ay 48 per cent na mataas sa above normal standard na 90 micrograms sa bawat normal cubic meters. Ibig sabihin ang hangin na nala-langhap ay may kasamang mapanganib na substance na nagdudulot ng sakit. Ang usok na ibinubuga ng mga segunda manong sasakyan ay may kasamang carbon monoxide at toxic fumes na lumalason sa hangin at nalalanghap ng mga tao. Nagdudulot itong sakit: Pulmonya, bronchitis, asthma, istrok at atake sa puso.
Magandang malaman kung ano ang magagawang tulong ng mga bansang mauunlad na may kaugnayan sa air pollution. Maaaring mayroon silang epektibong solusyon ukol sa problema.
Maganda kung matatalakay din ang usapin sa basura. Tamang-tama sapagkat kabilang ang lider ng Canada sa dadalo sa APEC. Baka mabanggit ang basura na galing sa Canada at dito itinapon. Nasa 50 freight containers ng basura ang dinala rito na ang pawang laman ay hospital wastes. Ang Canada ay kilalang mapagmalasakit sa environment. Kung malalaman ni Canadian PM Justin Trudeau ang shipment ng basura, baka ipag-utos niya ang imbestigasyon at ibalik sa kanila ang mga basurang toxic na hindi pa naitatapon.
Kung mapapag-uusapan ang pollution at basura, maganda sana ang resulta. Harinawa.
- Latest