Nilagang Mais na may Cheese at Chili
SI Richard Montanez, isinilang noong 1958, ay mula sa mahirap na pamilya ng mga Latino sa North America. Noong nasa elementarya pa lang siya, kitang-kita na niya ang kaibahan ng kanyang buhay sa buhay ng kanyang mga kaklase. Ang mga kaklase niyang maykaya ay hatid at sundo ng yellow bus samantalang siya ay kailangang gumising ng maaga upang makahabol sa schedule ng green bus. Ang yellow bus ay private school bus samantalang ang green bus ay public transportation.
Hindi siya nakatapos ng high school kaya noong 1976, nagtrabaho siya bilang janitor sa pabrika ng Frito-Lay, kompanyang gumagawa ng sitsirya na kagaya ng potato/corn meal chips at cheese curls.
Minsan habang naglalakad, nakakita siya ng nagtitinda ng nilagang mais. Nilagyan ng tindero ang mais ng cheese at binudburan ng chilli powder. Bumili siya para subukan ang lasa. Masarap pala ang kombinasyon ng cheese at chilli. Sinubukan niyang lagyan ng cheese at chilli ang cornmeal chips na ginagawa ng kanilang kompanya. Ang cornmeal chips na ginagawa ng kompanya ay asin lang ang nagbibigay ng lasa. Binudburan niya ito ng cheese at chilli powder. Ipinatikim sa mga kasamahan. Naging big hit ang imbensiyon niya.
Lakas loob niyang iprinisinta ang kanyang imbensiyon sa presidente ng kompanya na hindi naman nagdamot ng kanyang panahon para bigyan ng importansiya ang kanilang janitor. Nagustuhan ng Big Boss at iba pang executives ang lasa ng tinimpla ni Montanez. Isinilang noong 1981 ang nakatakdang magiging best-selling brand ng kompanya, ang Flamin’ Hot Cheetos.
Kahit hindi nakatapos ng kolehiyo, umakyat ang career ni Montanez. Sa kasalukuyan ay Executive Vice President siya ng Multicultural Sales and Community Activation sa Pepsico North America.
Hardships often prepare ordinary people for an extraordinary destiny... -C.S. Lewis
- Latest















