EDITORYAL – Patuloy ang pagpaslang
PATULOY ang pagpaslang sa mga mamamahayag. Noong Sabado, isa na namang mamamahayag ang pinaslang at maaaring mapasama na naman ito sa mga hindi nalulutas na kaso. Ang pinaslang ay si Jose Bernardo, broadcaster ng DWBL at correspondent ng DWIZ. Ipina-park ni Bernardo ang kanyang motorsiklo sa tapat ng isang food chain sa Zabarte Road, Novaliches, Quezon City nang lapitan ng isang lalaki at pagbabarilin. Namatay si Bernardo sa ospital. Hindi pa nahuhuli ang killer. Kung ang pagpatay kay Bernardo ay may kaugnayan sa kanyang trabaho bilang mamamahayag, siya ang ika-37 sa mga pinaslang sa ilalim ng Aquino Administration at ika-174 mula noong 1986.
Kung walang mapapanagot sa pagpatay kay Bernardo, matutulad ang kanyang kaso sa mga mamamahayag na sina Nerlita Ledesma na pinatay noong nakaraang Enero 2015; Maurito Lim na pinaslang noong nakaraang Pebrero; Mei Magsino noong nakaraang Abril at kina Cosme Maestrado, Teodoro Escanilla at Gregorio Ybañez na pinaslang noong nakaraang Agosto.
Marami nang pinatay na mamamahayag at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nalulutas. Maski ang pagpatay kay broadcaster-environmentalist Gerry Ortega ng Puerto Princesa City, Palawan ay hindi pa masasabing lutas na sa kabila na naaresto na ang umano’y mastermind. Pinatay si Ortega noong 2011.
Ang pinaka-karumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag ay nangyari noong Nob. 23, 2009 sa Maguindanao. Tatlumpong mamamahayag at 28 sibilyan ang minasaker at sama-samang inilibing sa hukay. Hanggang ngayon, mag-aanim na taon na ang krimen subalit wala pang nakukuhang hustisya ang mga kaanak ng biktima.
Walang nakukuhang proteksiyon sa gobyerno ang mga mamamahayag. May mga pangakong binitiwan si President Noynoy Aquino noon na lulutasin ang mga pagpatay sa mamamahayag subalit walong buwan na lamang siya sa puwesto at wala pang natutupad sa pa-ngako. Kailan ito magkakaroon ng katuparan?
- Latest