EDITORYAL – Sundalo ang gawing jailguard sa Munti
WALA nang kredibilidad ang mga jailguard sa New Bilibid Prisons (NBP). Talamak na ang nangyayaring katiwalian doon dahil sa mga jailguard na natatapalan ng pera. Hindi lamang illegal drugs ang naipapasok kundi pati na rin mga matataas na kalibreng baril. Kaya marami ang nagmumungkahi, particular ang anti-crime group na mga sundalo na ang gawing bantay sa NBP para walang makalusot.
Noong nakaraang linggo, nadiskubre ang mga armas na nakabaon sa suwelo ng selda. Nang tungkabin ang tiles na sahig, nakuha ang mga baril. Mayroon din nakuhang mga baril sa malaking lalagyan na pawang barya ang laman. Nang halukayin ang mga barya, nakalagay sa ilalim niyon ang mga baril.
Nadiskubre ang mga baril makaraang magkaroon ng rumble ang magkalabang grupo sa maximum security compound noong nakaraang linggo na ikinamatay ng inmate na si Charlie Quidato. Binaril si Quidato. Hinalughog ang mga selda at nakuha ang mga baril at drone.
Hindi ito ang unang may namatay sa NBP dahil sa rambol ng magkalabang grupo. Noong Enero isang inmate din ang namatay at 19 ang nasugataan nang sumabog ang granada sa maximum security compound.
Naghalughog din noon at nakakumpiska nang maraming baril, itak at iba’t ibang patalim sa loob ng compound. Parang armory ang bilangguan dahil sa dami ng armas na ang iba ay kinakalawang na dahil sa matagal na pagkakatago. Ibig sabihin, matagal nang may mga armas ang bilanggo at naghihintay lang marahil ng pagkakataon para magamit ang kanilang mga sandata. Tila handang-handa ang mga bilanggo sa pakikipagsagupa at pakikipagrambolan.
Sa pagkakadiskubre sa mga sandata, muling lumutang ang mga katanungan kung paano at bakit naipasok ang mga armas sa loob. Simple lang, dahil sa mga corrupt na jailguard. Tatapalan lang ng pera ang mga jailguard at puwede nang ipasok kahit APC o mga tangke.
Palitan ang mga jailguard at mga sundalo ang ipalit. Mas may kredibilidad ang mga sundalo at hindi sila papayag na mayroong makalusot na anumang kontrabando o mga baril. Kung mga sundalo ang magbabantay sa NBP, mailalagay sa ayos ang lahat.
- Latest