Ang British couple na sobra ang pagmamahal sa mga alagang aso
LAHAT nang kanilang oras ay inilalaan para sa mga alagang aso. At para kina Tony at Lynn Everett, hindi mapapantayan ang kanilang nadaramang kasiyahan sa pag-aalaga sa 41 aso na pawang nakatira sa tatlong bedroom ng kanilang bahay sa Barnsley, Britain.
Ayon kay Tony, 67, ang kanilang mga aso ay binubuo ng 24 na bulldogs, 10 miniature bull terriers, 4 na Chihuahuas at 3 Chinese crested. Lahat nang mga ito ay maayos nilang naaasikaso. Napapakain at napapaliguan. Ayaw nilang may naaapi sa mga aso.
Ayon naman kay Lynn, 58, gumagastos sila ng $46,000 bawat taon para sa dog food, pet accessories at beterinaryo.
Tuwing umaga ay ipinapasyal nila ang mga aso at masayang-masaya silang mag-asawa habang pinanonood ang mga alaga.
Sa paghahanda ng pagkain ay umuubos sila ng dalawang oras. Inaabot naman ng apat na oras ang pagpapakain sa mga aso. Karaniwang beef at chicken ang kanilang ipinakakain sa mga ito.
Ayon pa kay Tony, matiyaga nilang binabantayan ang mga aso habang kumakain ang mga ito para maiwasan ang pag-aaway.
Sa paghuhugas ng 41 bowls na ginamit ay inaabot sila ng ilang oras.
Pero kahit na umuubos nang maraming oras ang pag-aasikaso sa mga alaga, bawat minuto naman ay puno ng kaligayahan sa piling ng mga ito.
Sekyu, nag-resign para maging toothpick artist
HINDI nasisiyahan ang 38-anyos na si Liu Xuedong ng Jilin Province ang pagiging security guard kaya naman nag-isip siya ng paraan kung paano makakakita ng ibang trabaho. Hanggang madiskubre niya na mayroon pala siyang kakaibang talent sa larangan ng sining.
Nadiskubre ni Liu na puwede siyang gumawa ng art mula sa toothpicks. Para makagawa, nanood muna siya ng how-to videos online. Marami siyang napanood.
Bukod sa panunood online, madalas din siyang manood sa mga artist kung paano gumawa o mag-arrange ng toothpicks.
Hanggang sa maging eksperto siya rito. Nang inaakala na maaari na siyang mag-umpisa sa mabusising toothpick art,
Inumpisahan na niya.
Ang una niyang ginawa ay ang ‘3D wild horse’. Gumastos siya ng 2,000 yuan sa paggawa nito. Nasa 500,000 toothspicks ang kanyang ginamit.
Ang sukat ng kanyang obra ay tatlong metro ang haba at 1 metro ang lapad. Tumimbang iyon ng 170 kilos.
- Latest