Sampaguita (188)
“SIYANGA pala, tulungan n’yo akong mag-isip ng pangalan para sa theme park,’’ sabi ni Sir Manuel. ‘‘Gusto ko ay tipong pang-Disney ang dating pero Pinoy pa rin ang mangingibabaw.’’
“Aba opo, Sir Manuel. Katunayan po ay may naisip na ako pero baka korni,’’ sabi ni Sam.
“Sige sabihin mo at baka magustuhan ko. Kailangang ngayong linggong ito ay maipaskel na ang mga streamers at flyers para sa nalalapit na inagurasyon. Magpapatayo rin ako ng arko sa boundary ng barangay para malaman ng mga tao kung nasaan ang park. Ano ang naisip mo Sam?’’
“Bakit hindi po natin tawaging ENGKANTASYA ang park?’’
“Wow! Magandang pangalan! Tamang-tama ang naisip mo Sam. Napakaganda!’’
“Salamat po, Sir Manuel.’’
“Ikaw Ram meron ka bang maisa-suggest na name ng park?’’
“Wala po akong maisip na pangalan. Palagay ko po tama na ang naisip ni Sam. Bagay na bagay po Sir Manuel.’’
“Bueno, ENGKANTASYA na lang ang ipapangalan natin. Magpapagawa na ako ng ilalagay sa arko.’’
MAKALIPAS ang dalawang linggo, ikinakabit na ang arko sa boundary ng Barangay Susong Dalaga. At makalipas pa ang ilang araw, ikinabit na rin ang malaking pangalan sa entrance ng park.
Pinanonood nina Sir Ma-nuel, Sam at Ram ang pagla-lagay ng pangalan.
“Bagay na bagay ang pa-ngalan!’’ Sabi ni Sir Manuel.
“Napakaganda po.’’
‘‘Isang buwan at tapos na tapos na ito. Inagurasyon na.’’
“Opo, Sir Manuel.’’
‘‘Dito kayo ikakasal. At sa susunod na buwan na iyon, di ba ?’’
“Opo Sir Manuel.’’
“Gaya nang sabi ko, sagot ko lahat ang gastos. Wala kayong gagastusin. Sa loob ng ENGKANTASYA kayo ikakasal at diyan din isasagawa ang reception.’’
Hindi makapaniwala sina Sam at Ram. Maligayang-maligaya sila.
“At hindi ko nalilimutan ang sorpresa sa inyo – lalo na sa’yo Sam.’’
“Ano po iyon, Sir Manuel?’’
“Malalaman n’yo isang araw bago ang kasal. Gusto kong masorpresa kayo.’’
Excited na excited ang dalawa. Ano kaya iyon? Baka kaya isang malaking regalo ang ibibigay ni Sir Manuel sa kanila?
Gusto nila sumapit na ang araw ng kasal!
(Tatapusin bukas)
- Latest