‘Crime against person, crime against property’
TUWING “ber” months, tumataas ang bilang ng kriminalidad sa bansa.
Insidente ng mga nakawan, patayan, panggagahasa, panghoholdap, pananakit, akyat-bahay, pandurukot, pananalisi at mga kauring krimen. Sa lenggwahe ng mga awtoridad, crime against person o crime against property.
Hindi na bago sa mga awtoridad ang paglobo ng mga index crime sa huling mga buwan ng taon. Mismong ang Philippine National Police (PNP) na rin ang nagkumpirma base sa kanilang mga inilalabas na estatistika.
Sa ganitong mga panahon kasi mas lalong aktibo at agresibo ang mga masasamang-loob sa kanilang aktibidades.
Ang mga ‘demonyo sa lupa’ kaniya-kaniya sa paghahasik ng lagim gamit ang kanilang mga estratihiya at taktika para makapambiktima.
Kuwidaw, baka kasi maisahan at ma-BITAG kayo ng mga putok sa buhong kriminal habang abala kayo sa mga paghahanda ngayong kapaskuhan.
Bagama’t walang pinipiling panahon sa pagsasagawa ng kanilang krimen, inaasahan nang lolobo pa ang kriminalidad ngayong christmas season.
Hindi garantiya ang anunsyo ng mga alagad ng batas na pag-iigtingin nila ang seguridad at pagbabantay ngayong “ber” months na ligtas na ang publiko laban sa mga kriminal.
Maliban kasi sa persepsyong “mapera” ang mga tao, dala ng natutulog na pagnanasa ng mga kriminal, kapag nakahanap ng oportunidad, gagawa at gagawa sila ng katarantaduhan.
Paalala ng BITAG, maging ‘lerto at ‘listo sa lahat ng oras. Mas mabuti nang maging pra-ning kaysa naman umuwing luhaan.
Mag-ingat, mag-ingat!
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital strea-ming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest