EDITORYAL – Ginagawang basurahan ang karagatan
NOONG nakaraang Sabado ay ginunita ang Coas-tal Cleanup Day o Araw ng Paglilinis sa Dalampasigan o baybay dagat. Taun-taon ay ginugunita ito sa buong mundo. Maraming tao ang nakikiisa at nagtutungo sa dalampasigan para linisin ito sa napakaraming basurang tinangay ng alon. Sa ibang bansa, labis ang pagpapahalaga ng mga tao na maging malinis ang karagatan kaya mariing ipinagbabawal ang pagtatapon ng basura sa karagatan. Mananagot sa batas ang sinumang mahuli na magtatapon ng basura sa dagat at maging sa mga ilog.
Kabaliktaran naman dito sa bansa na ginagawang basurahan ang karagatan, ilog, sapat at iba pang daluyan ng tubig. Sa kabila na may mga batas na nagbabawal magtapon ng basura sa karagatan, marami pa rin ang sumusuway at walang pakialam kahit maging polluted ang karagatan at mga ilog.
Taun-taon ay maraming sumasama sa paglilinis ng mga dalampasigan pero tila ito ay pakitang-tao lamang sapagkat patuloy pa rin ang pagtatapon ng basura. Marami pa rin ang walang disiplina. Ang mga iskuwater o mga nakatira sa pampang ng ilog, estero at mga sapa ang numero unong nagtatapon ng basura. Wala na silang pakialam at lahat nang kanilang basura at dumi ay deretso na sa estero at ilog at iluluwa naman sa dagat. Hanggang ang dagat ay mamulaklak sa sari-saring basura.
Noong nakaraang taon, ang nakolektang basura sa buong mundo sa loob ng isang araw na paglilinis ay umabot sa 16.186 million pounds. Nakuha ito sa 13.360 miles ng dalampasigan.
Kabilang sa mga nakuhang basura ay upos ng sigarilyo, plastic na botelya ng inumin, mga wrapper ng pagkain, takip ng botelya, straws, plastic na supot, lata ng softdrinks at mga plastic na plato at kutsara.
Karaniwan na lamang sa Manila Bay ang pamumulaklak ng basura pagkatapos ng bagyo at pagragasa ng alon. Itinatambak sa Manila Bay ang mga basura na nagmula sa iba pang probinsiya. Nakadidismayang tingnan ang ginawang pagtampalasan ng mga mamamayan sa karagatan. Ginawang malaking basurahan ang Manila Bay. Dahil sa kawalan ng disiplina ng mga tao, wala nang mabubuhay na lamandagat at ang tao rin ang kawawa sa dakong huli. Wala nang pagkukunan ng makakain. Kailan matututo ang mga tao na huwag sirain ang karagatan. Dapat kumilos ang pamahalaan na pagbawalan ang mga nakatira sa baybay dagat, o mga estero na huwag magtapon ng basura. Dapat kumilos ang local government officials para mapangalaaan ang karagatan.
- Latest