Milyong Pinoy, adik!
Matitinding krimen ang naitala sa mga nakalipas na araw, kabilang ang panghahalay at pagpatay sa isang 17-anyos na coed sa Cebu, isama pa rito ang panghoholdap at pagpatay sa isa ring freshman student sa Maynila kamakailan.
Ilan lang ito sa mga maituturing na karumal-dumal na mga krimen, na pinaniniwalaang gawa ng mga taong maaaring lulong sa droga.
Iisa lang ang ibig sabihin nito, matindi pa rin ang problema sa illegal drugs sa bansa.
Katunayan nito, sa rekord ng PNP-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) sinasabing umaabot na umano sa 1.3- M mga Pinoy, karamihan ay mga kabataan ang lulong sa droga.
Nangangahulugan umano ito na isa sa bawat 100 Pinoy ay maituturing na mga drug addict.
Mahigit sa kalahati sa naturang bilang ang sinasabing nasa Metro Manila.
Tinukoy ang mga pangunahing ilegal na droga na ginagamit ng mga lulong sa bawal na gamot ay shabu , marijuana, ecstasy at ang bagong rape drugs .
Pero sa ngayon, aktibo umano ang ilegal na operasyon ng sindikato sa mga lalawigan dahil batid ng mga ito na mahigpit ang operasyon ng awtoridad sa NCR.?At eto pa, nakatutok ngayon ang mga kinauukulan sa pagmomonitor sa ilang tiwaling pulitiko sa operasyon ng ilegal na droga upang masupil ang ‘narco-politics ‘.
Lalu pa nga daw at malapit na ang kampanya, sinasabing ang ilan , ay sa ganitong operasyon kumukuha ng kanilang pondo para sa eleksyon.
Tutal din lang marami na sa mga kakandidatong politiko ang nagpapakilala, sana rin ay maisama sa kanilang mga iaalok na plataporma ang paglutas sa problema sa droga sa bansa.
Kung ito ay magagawa, tiyak bababa ang matitinding krimen at ang peace order eh, siguradong mararamdaman na siyang nais din ng maraming mamamayan.
Hindi maikakaila na karamihan sa matitinding krimen na naganap ang pinag-ugatan ay ilegal na droga.
- Latest