Sampaguita (149)
BAGO natapos ang usapan nina Sir Manuel at Sam, may sinabi ang matanda sa dalaga.
“Sam, gusto ko lang makatiyak, hindi ka na ba umiibig kay Levi?’’
“Hindi po. Nabulagan po ako, Sir Manuel. Nagbalik na po ako sa sarili.’’
“Maraming salamat. Ang akala ko, nabihag ka na ng taong iyon na ubod ng sama. Mabuti na lamang at nanumbalik ka.’’
“Dahil din po sa ibinigay na mutya o amulet ng aking lola. Iniligtas po ako ng mutya.’’
“Ganun ba? Kahanga-hanga pala ang bigay ng lola mo. Siyanga pala Sam, inutusan ko si Ram na dalawina ang lola mo. Nagpadala ako ng tulong. Maaaring sa oras na ito ay pabalik na ng Maynila si Ram.’’
“Nagkasala rin po ako kay Ram dahil sa pagkahuma-ling ko kay Levi. Pero ngayon po ay kailangan ko si Ram.’’
“Sige akong bahala. Tatawagan ko si Ram at sasabihin ang lahat.’’
“Salamat po, Sir Manuel. Marami pong salamat.”
“Mag-ingat ka Sam. Dara-ting kami para masaklolohan ka. Mamo-monitor ka namin dahil sa signal ng iyong cell phone.’’
“Salamat po.’’
“Sige iha, mag-ingat ka.’’
Nang mga sandaling iyon ay natuklasan na ni Levi ang pagtakas ni Sam. Mabilis siyang lumabas para hanapin si Sam. Galit na galit siya.
Tinungo niya ang dalampasigan. Wala siyang matanaw na tao. Hindi rito nagpunta si Sam.
Sa halip, sa kakahuyan nagtungo si Levi.
Pinagmasdam muna niya ang mga hawi ng damo. Kumpirmadong may dumaan sa damuhan. Sinundan niya ang hawi ng damo. Hindi pa nakakalayo si Sampaguita.
Binilisan niya ang pagtakbo. Humingal siya at lalong nag-ulol sa galit. Kailangang mahuli niya si Sampaguita.
Subalit malayo na ang natatakbo niya ay hindi pa rin niya makita si Sampaguita.
Nasaan na iyon.
Nagsisigaw na siya.
“Sampaguita, humanda ka. Malapit na kitang mahuli. Huwag mo na akong pagurin dahil wala kang lalabasan!”
Ilang beses pa siyang nagsisigaw.
Hanggang sa matanaw niya si Sampaguita. Tila pagod na pagod na ito.
“Sampaguita, huwag ka nang tumakbo! Wala kang lulusutan sa resort ko. May mga ahas na nakapaligid dito, ha-ha-ha!”
Natigilan si Sampaguita. Nilalansi lang siya ni Levi para tumigil sa pagtakbo.
(Itutuloy)
- Latest