Solusyon sa trapiko, aksiyunan na
LALONG lumalala ang problema sa trapiko sa Metro Manila kaya halos lahat ay nagagalit sa gobyerno.
Matagal na tayong nakararanas ng trapik pero ngayon ay lalo pang lumala at tila walang ginagawa ang gobyerno.
Talagang lulubha ang problema sa trapiko dahil patuloy sa pagdami ang mga bagong sasakyan at hindi naman iginagarahe ang mga lumang sasakyan.
At habang dumadami ang mga sasakyan, hindi naman lumalapad ang mga kalye kaya ang resulta ay mas mabigat na problema sa mga motorista.
Ang pinaka-mainam ay magbawas ng sasakyan at ang mahigpit na pagpapatupad ng disiplina sa lahat ng drayber ma-pribado man o ma-pampubliko.
Kung rush hour, maraming sasakyan ang papunta sa mga pribadong paaralan na karamihan ay may sasakyan ang bawat estudyante.
Kung maari, obligahin ang mga malalaki at pribadong unibersidad na mag-school bus pero dapat gandahan at may sapat na seguridad ang mga bus.
Tiyak na makakabawas ito sa problema sa trapiko.
Dapat ikonsidera rin ang mga panukalang pag-iba-ibahin ang pasok at uwian ng mga manggagawa o empleyado ng gobyerno at pribado na gumagamit din ng sasakyan.
Ito ay pansamantala at madaliang solusyon lamang dahil ang pangmatagalang solusyon dito ay ayusin ang mass transportation sa bansa lalo na sa Metro Manila upang hindi na maengganyo na gumamit pa ng pribadong sasakyan ang lahat.
Sa ganitong pagkakataon na may malalang suliranin sa trapiko, kailangan ang pagkakaisa at pagtulungan ng lahat upang maibsan ang problema.
- Latest