12-anyos na bata sa England, mas mataas ang iq kaysa kay Einstein
SA kabila ng kanyang murang edad, naungusan na ng 12-anyos na si Nicole Barr ng Essex, England ang mga kilalang henyo na katulad nina Albert Einstein at Stephen Hawking.
Nakakuha kasi siya ng score na 162 sa isang pagsusulit na ibinigay sa kanya ng Mensa, isang internasyonal na samahan para sa mga henyo. Sinasabing pangkaraniwan o average lamang ang mga may IQ score na 100 samantalang masasabing henyo ang mga taong may mga IQ na 140 at pataas.
Dahil sa kanyang naging score ay tinatayang kabilang si Nicole sa 1 porsiyento ng populasyon na sinasabing pinakamatatalino sa buong mundo.
Hindi maitatanggi ang talino ni Nicole sa eskuwelahan dahil ilang taon ang lamang ng kanyang kaalaman sa mga batang kasing-edad niya. Wala pa siyang 10 taon ay kaya na niyang mag-solve ng mga problema sa algebra.
Lubos na ipinagmamalaki naman ng kanyang mga magulang si Nicole. Ayon sa kanyang ina na si Dolly, masipag din daw si Nicole na kahit kailan ay hindi nag-absent sa klase. Lubos din siyang ipinagmamalaki ng kanyang ama na si James na namamasukan bilang taga-linis ng mga alulod ng bahay. Para sa kanya ay patunay ang kanyang anak na kahit sino ay puwedeng maging henyo, mapa-mahirap man o mayaman.
Plano ni Nicole na mag-aral ng medisina dahil pangarap niya ang maging pediatrician balang araw.
- Latest