Kaanak ng Fallen 44, nadismaya sa SONA
Dismayado ang mga kaanak ng nasawing SAF 44 sa isinagawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino noong nakalipas na Lunes.
Lumikha ng malaking kontrobersiya ang insidenteng ito sa Mamasapano na naglagay nga sa alanganin sa administrasyong Aquino noong mga panahong iyon.
Hanggang sa ngayon nga ay nababalot pa rin ito ng mga usapin at maituturing na hindi pa sarado ang kaso at hindi pa nakakamit o napapanagot ang mga sangkot dito.
Sa nagdaang SONA ng Pangulo, lalong nadagdagan ang hinanakit ng mga kaanak ng nasa-wing SAF dahil umano sa dinami-dami ng pinasalamatan ng Pangulo na umabot pa hanggang sa kanyang barbero, pero hindi man lang umano binanggit ang tungkol sa nasawing mga SAF troopers na tumupad sa kanilang misyon na dito nga napatay nila ang international terrorist na si Marwan.
Nasaan ang hustisya, ito pa rin ang sigaw ng mga kaanak ng SAF 44 at maging ng kanilang mga kaibigan at kasamahan.
Bukod sa hustisyang hindi pa nakakamit ng Fallen 44 marami pang isyu ang ayon sa marami ay hindi natugunan sa SONA ng Pangulo.
Kabilang dito ang hindi na natupad na modernization program sa PNP.
Hindi nga ba’t nang maganap ang Mamasapano incident doon natuklasan ang kakarampot na daily allowance ng mga pulis na sumasabak sa labanan.
Ang mga dispalinghadong armas at mga kagamitan na isinasapalaran sa pakikipaglaban.
Ang lahat ng ito ang sa panig nila’y hinihinatay na banggitin ng Pangulo sa kanyang huling SONA.
- Latest