May problema na naman sa MPD!
DAHIL sa litrato ng apat na detainee na naka-kadena, mainit ang iringan ngayon ng mga miyembro ng Manila Police District (MPD) at ilang miyembro ng MPD Press Corps. Sinisisi ng mga pulis si Bong Son, ang tabloid photographer na kumuha ng litrato, dahil pinahiya sila nito, lalo na’t umani ito ng maaanghang na komento sa social media. At higit sa lahat, pinaimbestigahan ito ni NCRPO chief Dir. Carmelo Valmoria at ni chairwoman Etta Rosales ng Commission on Human Rights (CHR) kung may nilabag sa karapatang pantao ng apat na detainees, isa rito ay babae. May isang pulis na gumagamit ng Facebook account na Mando Keleyope, ang mariing sinisi, hindi lang si Mr. Son, kundi pati sa ibang miyembro ng MPD Press Corps na naging trending naman sa social media. Habang nagpapalitan ng kani-kanilang kuro-kuro ang magkabilang grupo, ang nagigisa ay ang liderato ni MPD director Chief Supt. Rolando Nana, na isang abogado. Hindi pa nga nalulusaw ang akusasyon ng isang nasibak na MPD official na napuno niya ng kasangkapan ang condo unit ni Nana at ang pag-regalo sa kanya ng Rolex watch sa kanyang promotion, heto’t me panibagong problema namang haharapin siya. Boom Panes! Hehehe! Ganyan talaga sa MPD hindi matapus-tapos ang problema, di ba mga kosa?
Sinabi ni Boss Mando na sana kinuha muna ang panig nila bago kinunan ng larawan ang nakakadenang mga preso dahil naging biktima ang MPD ng trial by publicity. Iginiit pa ni Boss Mando na ang MPD Press Office ay matatagpuan sa compound ng MPD at ang bayarin ng kuryente, at tubig ay hindi galing sa bulsa ng mga taga-media. “Sa madaling salita, wala po kayong ginagastos na personal ninyong pera dahil sa TULONG at PAKIKISAMA ng MPD,” ang giit pa n’ya. Marami pang sumbat si Boss Mando sa media subalit ang pinakamasakit ay pag-oorbit nitong si Son at iba pa sa station commanders. Boom Panes! Ayon naman kay katotong Joey Venancio, hindi dapat isumbat ni Boss Mando kay Son ang bayad ng kuryente at tubig ng Press Corps dahil galing sa taxpayers money ito. Sumabad naman si katotong Rey Galupo na dapat ibato ni Boss Mando ang kanyang akusasyon kay Son at hindi yung nilalahat na niya ang Press Corps. Ang kasalanan ni Pedro ay hindi dapat isisi kay Juan, ani Galupo.
Sa ganang akin naman, hindi dapat kay Mr. Son ibinunton ni Boss Mando ang kanyang paninisi kundi maging sa jail guard na nagkadena sa apat na preso dahil idinisplay niya ang mga ito. Bilang fotog kasi, na-attract ang atensiyon ni Mr. Son at kinunan niya ito, na tama naman. Kung itinago sana ng jail guard ang apat at doon sa likod ng MPD HQ sila dumaan, eh di sana sila napansin ng media, di ba mga kosa? Kahit milyones pa ang padulas n’yo kay Mr. Son, ang loyalty n’yan ay sa opisina pa rin niya! Hehehe! Tiyak ‘yun!
Sa isyu naman nang pag-oorbit, hindi ‘ata napansin ni Boss Mando na mismong si General Nana at ang station commanders ang pinatatamaan niya. Saan ba manggagaling ang padulas ni Nana at station commanders sa media sa suweldo nila? Malaking kalokohan ‘yan! Hehehe! Baka umbagin sila ng kani-kanilang mga asawa? Open secret naman Boss Mando na talamak na ang illegal gambling, at kung anu-ano pang illegal sa Maynila kaya siguro nagpapadulas si Nana at station commanders para hindi na pansinin ito ng media, ganun po ba ‘yun? Sa totoo lang, lumalakas ang balita na ang mayroong weekly tong na ang droga sa mga pulis, may nagawa ka ba Boss Mando para masawata ito? Paalala lang Boss Mando na may kasabihan tayo na linisin mo muna ang bakuran mo, bago ka makialam sa bakuran ng iba. Abangan!
- Latest