Manong Wen (243)
“JO, tulungan mo si Nado. May tama siya. Dalhin mo siya sa ospital,” sabi ni Mam Violy na naghihisterikal na.
“Opo Mam Violy. Huwag ka pong mag-alala.’’
“Iniligtas niya kami ni Noime. Dalhin mo siya sa ospital.’’
“Opo. Opo!”
Agad na pinagtulungang buhatin si Tatang Nado at inilagay sa stretcher.
“Nadooo! Nadooo!”
“Mama huwag kang umiyak,” sabi ni Noime.
Napatayakap si Mam Violy kay Noime.
“Iniligtas niya tayo, Noime. Kanina, habang ginagawan ako ng kahalayan ng hayop na lalaki ay nagdasal ako. Sabi ko tulungan ako ng Diyos na makaligtas sa hayop na lalaki. At biglang dumating ang papa mo. Bigla siyang sumulpot. Nakipaglaban sa lalaki,” sabi ni Mam Violy at umiyak.
“Mama, huwag kang umiyak.’’
“Ang papa mo rin ang nagligtas sa iyo.’’
“Opo Mama. Iniligtas niya tayo.’’
Dinala na si Tatang Nado sa ambulansiya.
“Sasama ako! Sasama ako kay Nado.”
“Sige po, Mam Violy. Pero maiiwan po rito si Noime. Mayroon pa pong mag-iimbestigang mga SOCO,’’
“Opo Mang Jo. Maiiwan ako. Sige na Mama, samahan mo si Papa.”
Nagmamadaling sumunod si Mam Violy sa ambulansiya. Tumabi sa asawa.
“Nadooo, huwag mo akong iiwan. Huwag mo akong iiwan!”
Nasa likuran naman si Jo at lihim na nagdadasal na makaligtas si Tatang Nado.
Sayang naman kung mawawala ang matanda ngayon na napatawad na siya ng asawa. Kitang-kita niya ang pag-aalala ni Mam Violy.
Habang tumatakbo ang ambulansiya ay walang patid ang dasal ni Jo.
(Itutuloy)
- Latest