Pera ng gobyerno, pera ng tao
ANG P1.4 bilyon ay hindi tsismis. Hindi rin ito fictional figure sa accounting. ’Yan ang halagang pinuhunan diumano ng GSIS sa isang renewable energy firm at dahil sa transaksyong ‘yan, pitong matataas na opisyal ng ahensiya, kabilang ang presidente, ang sinuspinde ng Ombudsman.
Bakit? Dahil sa dami ng palpak. Ayon sa Ombudsman, hindi pa nakalista sa stock exchange ang biniling shares. Hindi pasado sa minimum market cap. Lumampas sa free float limit. At ang matindi, hindi dumaan sa tamang proseso walang endorsement mula sa mga komiteng dapat humusga kung ligtas o makatwiran.
Walang basbas mula sa buong Board. Para bang may minadali. O baka naman may ibang layunin? Pera ito ng mga ordinaryong manggagawa ng gobyerno mga guro, pulis, empleyado ng munisipyo, nars sa mga pampublikong ospital. Hindi ito capital ng mga negosyante na puwedeng sumugal at bahala na kung malugi. Kaya kapag may ganyang kagarapalang hakbang, dapat lang kumilos ang Ombudsman.
Hindi pa man tapos ang imbestigasyon, sapat ang dahilan para ihiwalay muna sila sa puwesto. Para hindi sila makapang-impluwensya, makapagtago ng dokumento, o makapagtakip ng mali. Kung may pagkukulang, managot. Kung may nilabag, kasuhan. At kung may nilustay, bawiin.
Ang totoo, sawa na ang mga tao sa ganitong eksena. Sa tuwing may ganitong isyu, paulit-ulit ang script: “may imbestigasyon”, “walang intensiyon”, “pagsasaayos ng proseso”. Pero laging ang kawani ng gobyerno at ang karaniwang Pilipino ang naiipit. Hindi ba panahon na para seryosohin ang pananagutan? Hindi ba’t dapat may masampolan na hindi lang suspendido, kundi makukulong?
Hindi ito usapin ng pulitika. Usapin ito ng tiwala at kung paanong sinisira ito sa bawat mali at iwas iresponsibilidad na desisyon ng mga taong dapat ay nagtatanggol sa interes ng publiko.
***
PAALALA: Ang artikulong ito ay opinyon ng may-akda. Hindi ito opisyal na posisyon ng anumang institusyon. Layunin nitong ilahad ang pananaw sa mga isyung may kinalaman sa katiwalian, pananagutan at tamang pamamahala sa yaman.
- Latest















