Trillanes, dapat kastiguhin
NAKAKAGULAT ang pag-iingay ngayon ni Sen. Antonio Trillanes kaugnay sa nilalaman ng report ng Senado sa isinagawang imbestigasyon.
Lumilitaw na balewala pala ang confidentiality ng executive session ng Senado kung ito ay ilalantad din sa publiko.
Ibinubulgar kasi ngayon ni Trillanes ang ilang usapin na lumitaw sa executive session na isinagawa sa Senado sa mga resource person na kanilang ipinatawag.
Hindi kasi kuntento si Trillanes sa Senate report at hindi raw naisama ang mga usaping mahahalaga na magdidiin sa mga kagawad ng SAF.
Ayon kay Trillanes, pinabayaan mismo ng mga kasamahang SAF troopers ang kanilang kapwa pulis kung kaya namatay sa Mamasapano operations.
Pero hindi naman lingid sa kaalaman ang balitang ito na nagpainterbyu pa ang ilang sundalo na kanilang nadatnan ang may 100 SAF troopers na nakahilata lang habang nagkakaroon ng bakbakan sa Mamasapano.
Si Trillanes ay mula sa Armed Forces of the Philippines at natural lamang na tumulong ito upang ibangon ang imahe ng mga sundalo na nabatikan matapos masiwalat sa publiko na hindi sila agad sumaklolo sa SAF troopers kaya 44 ang namatay.
Suwerte pa nga ang AFP at naging malamya ang Senate report laban sa mga sundalo dahil kung tutuusin ay dapat na patawan ng parusa ang AFP sa napakabagal na pagresponde.
Samantala, dapat kastiguhin ng Senado si Trillanes dahil sa pag-iingay nito sa mga napag-usapan sa executive session na dapat ay hindi isapubliko. Maaring nakaapekto ito sa mga susunod na executive session at baka wala nang magtiwala sa Senado.
Kung hindi kuntento at ayaw ni Trillanes sa Senate report ay karapatan niya ito sa pamamagitan ng hindi paglalagda at huwag nang siraan ang report na pinaghirapan ng mga kapwa niya mambabatas.
- Latest