Taiwanese, 5 minuto lang ang itinatagal ng mga alaala
SI Chen Hongzhi, 25, taga-Hsinchu county, Taiwan ay mayroong kakaibang karamdaman. Hindi kasi tumatagal ng limang minuto ang kanyang alaala kaya maya-maya ay para siya laging nagkaka-amnesia. Ito ang dahilan kung bakit laging nasa tabi ni Chen ang isang notebook kung saan nakasulat ang lahat ng kailangan niyang maalala. Sa notebook din na iyon niya isinusulat ang lahat ng nangyayari sa kanya araw-araw upang maalala niya ang mga ito sakaling atakehin na naman siya ng amnesia.
Ang kakaibang karamdaman ni Chen ay dulot ng isang aksidenteng kanyang kinasangkutan noong siya ay 17 taong gulang. Nakapagpagaling naman siya mula sa mga sugat na kanyang natamo niya sa aksidente ngunit nagkaroon siya ng malalang head injury na naging dahilan ng kanyang pabalik-balik na amnesia.
Inaalagaan si Chen ng kanyang 60-taong gulang na ina na araw-araw nagpapaalala sa kanya ng mga simpleng bagay katulad ng kanyang edad. Dahil sa kanyang kakaibang karamdaman, hindi na pumapasok sa paaralan si Chen at hindi rin siya makakuha ng ibang trabaho bukod sa pagbebenta ng mga plastic na bote na kanyang pinupulot sa lansangan. Nabubuhay ang mag-ina sa mga donasyon na ibinibigay sa kanila ng mga taong naaawa sa kalagayan ni Chen.
Sa kabila ng lahat ng ito, masayahin pa rin si Chen na nakukuha pang magbiro sa mga nagbibigay ng donasyon na huwag raw siyang masyadong bigyan ng pera dahil siguradong makakalimutan lamang niya kung saan niya inilagay ang mga ito.
- Latest