Isinoling armas ng SAF, tsinap-chop
SA itsura pa lamang ng mga isinoli ng MILF na labing-anim at kalahating mga baril umano ng mga nasawing Fallen 44, abay walang makapaniwalang ang ganitong mga baril ang ginamit ng mga SAF tropper sa isang malaking operasyon.
Kahapon pormal na itinurn-over ng AFP sa PNP ang mga isinoling baril ng MILF na mistulang tsinap-chop.
Kung bakit?
Kulang-kulang ang mga bahagi nito, wala na rin ang mga sophisticated gadgets, wala na umano ang bolt, iba ang handle, yung iba halatang pininturahan lang para raw magmukhang bago.
Aba’y kahit sino ang makakita sa mga baril na isinoli hindi makapaniwalang ito ang gamit ng mga SAF troopers na siyang elite unit sa PNP at sumabak sa malaking misyon.
Kaya nga hindi maiwasan ni PNP OIC Deputy Director Leonardo Espina na kuwestiyunin ang kondisyon ng mga ibinalik na baril.
Pero siyempre, idadaan pa ito sa masusing inspeksyon, kailangang matiyak ang mga serial numbers hanggang sa bawat parte ng armas na idadaan sa masusing ebalwasyon ng mga technical experts.
Yung mga nawawalang sophisticated gadgets na hindi nakasama sa mga isinaoling armas aba’y nagkakahalaga pala ng P80,000 hanggang 100,000, sa bawat isang armas at kung ganito nga ang halaga nito, hindi malayong napag-interisan na ito.
Sa ilang ulat aabot sa mahigit sa 60 armas ng SAF ang nawala sa naganap na Mamasapano incident.
Kabilang pa sa mga nawawalang armas ay 33 Ferfrans/ rockriver assault rifles, 4 savage sniper rifles, 4 crew –served weapons (M60 machine guns ), 10 Ferfrans M203 grenade launchers, isang 90 MM recoiless rifle , 11 maiikling mga armas, 8 Glock handguns, 2 Beretta hand-guns at isang CZ.
Labing anim at kalahati pa lamang ang naibabalik, malaking bilang pa ang nawawala.
Nasaan na ang mga ito?
Nasaan na rin ang mga personal na gamit ng SAF 44 na napakahalaga sa pamilya ng mga nasawi.
- Latest