Ginto talaga ang oras: ikot ng Earth bumibilis (Part 1)
Matagal nang kasabihan na “ginto ang oras”. Bawat minute, segundo o mga araw na lumilipas ay hindi na maibabalik. Kapag nawala ang isang pagkakataon, hindi ito mauulit.
Marami sa ating mga ginagawa sa araw-araw ang tila lumalampas nang hindi natin namamalayan — gigising, magtatrabaho, kakain, matutulog, maglilibang, kasama ng ibang pinagkakaabalahan at uulit na naman. Kaya natural lang na tila mabilis ang takbo ng panahon.
Pero hindi namamalayan ng marami na aktuwal talagang bumibilis ang takbo ng panahon dahil bumibilis ang ikot ng mundo.
Maaaring hindi ito nararamdaman ng katawan ng tao, pero nakikita at nasusukat ito ng siyensiya. Ayon sa mga eksperto sa agham at astronomiya, may mga araw sa kalendaryo ng mundo na hindi na umaabot sa eksaktong 24 na oras.
Mula nang magsimulang gumamit ang mga siyentipiko ng atomic clock noong 1950s — ang pinaka-eksaktong orasan na umiiral sa ngayon — unti-unti nilang napansin na hindi laging pareho ang haba ng bawat araw. Minsan, mas mahaba ito ng kaunti.
Pero nitong mga nakaraang taon, mas kapansin-pansin ang mga araw na mas maikli sa karaniwan.
Sa karaniwang sukat, ang isang araw sa Earth ay tumatagal ng 86,400 segundo. Iyan ang basehan ng 24 oras. Pero batay sa mga obserbasyong gamit ang atomic timekeeping, may mga araw na bahagyang mas maikli.
Nitong Hulyo 9, 2025, halimbawa, naitala na umikli ng 1.3 milliseconds ang araw. Noong Hulyo 22, inaasahang magiging mas maikli pa ito ng 1.38 milliseconds, at sa Agosto 5, aabot sa 1.51 milliseconds ang bawas. Para sa karaniwang tao, parang balewala ito.
Pero sa mundo ng siyensiya at teknolohiya, napakalaking bagay na ng ganitong kaliit na pagbabago.
Isa sa mga sanhi ng pagbabago sa bilis ng ikot ng Earth ay ang Buwan, na unti-unting lumalayo sa ating planeta — mga 3.8 sentimetro kada taon — at may epekto ito sa balanse ng pag-ikot ng mundo.
Kapag ang posisyon ng Buwan ay hindi malapit sa equator, nagbabago ang hatak nito sa Earth, kaya minsan ay bumibilis ang ikot ng ating planeta.
Bukod pa rito, may papel din ang galaw ng mga karagatan, ang pagkatunaw ng mga glacier, mga lindol, pagbabago ng klima, at maging ang aktibidad sa loob ng core ng ating planeta.
(Itutuloy)
- Latest



















