‘Babae’ na may DNA ng lalaki, nagsilang ng kambal sa India
ISANG babae sa India ang natuklasan ng mga doktor na may DNA ng lalaki ang nagawang makapagsilang ng kambal na sanggol.
Nalaman ng babae na isa pala siyang lalaki matapos suriin ang kanyang DNA. Lumalabas na 95 porsiyento ng kanyang DNA ay panglalaki sa kabila ng kanyang panlabas na kaanyuan na babae.
Ayon sa mga doctor, ‘intersex’ ang tawag sa kondisyon na ito kung saan may matris at ari ng babae ang isang tao ngunit nagtataglay siya ng DNA ng lalaki.
Hindi naman nakapigil ang pagkakaroon niya ng panlalaking DNA sa kanyang pagbubuntis dahil nagawa niyang magsilang ng kambal na babae at lalaki.
Naging posible ito sa pamamagitan ng matagal na gamutan kung saan tinurukan ang babae ng mga hormones sa loob ng 12 buwan upang masigurado ang kanyang pagbubuntis. Itinanim lang din ang fertilized egg sa kanyang matris dahil natuklasang may diperensiya ang kanyang mga obaryo.
Pinuri naman ng mga doktor ang determinasyon at pagpupursigi ng babae na magdalantao sa kabila ng kanyang kondisyon.
Isang milagro para sa mga eksperto ang matagumpay na pagsilang ng mga malulusog na kambal dahil ayon sa mga doctor, limang beses pa lamang itong nangyari kahit saan sa mundo.
- Latest