‘Pekeng BEN TULFO sa internet’
PALARUAN ng mga putok sa buhong kriminal, magnanakaw, dorobo’t manggagantso ang internet. Marami na ang mga naloko.
Andyan lahat ang mga nuknukan ng sinungaling. Nagkukubli sa mga pekeng account sa social networking sites. Kung papaano ang panloloko at diskarte, kaniya-kaniya silang estratehiya. Ang kakapal ng mga mukha na magpanggap at magpakilala sinumang personalidad na makursunadahan nila.
Ako mismo, si BEN TULFO na isa nang modus buster at imbestigador, maging ang mga programang likha ng BST TRI-MEDIA PRODUCTION partikular ang BITAG hindi pinalagpas ng mga “tarantado.”
Tarantado ang tawag doon sa mga gumagawa ng katarantaduhan. Isa na diyan ang pagnanakaw ng mga pagkakakilanlan at identidad. Maraming ganyan sa internet.
Hindi na ito bago sa amin. Nagtataka lang ako kung bakit sa dinami-dami ng mga personahe, paborito ako ng mga putok sa buho. Ang iba pa nga, pilit talagang ginagaya ang boses ko pero hindi naman makaya.
Kaya patuloy na babala ko, ang totoo at lehitimong BEN TULFO sa programang BITAG Live at maging sa kolum na ito, huwag magpapaniwala sa mga nagkalat na basura at pekeng mga FaceBook account, twitter, email, instagram at iba pa.
Bukod pa ito doon sa mga naglilibot at mga nagtatatawag sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno at pribado. Nagpapakilalang BEN TULFO o BITAG para makakolekta at makakubra ng pera.
Walang tinatawagan ang BST TRI-MEDIA na anumang ahensya at tanggapan para hu-mingi ng donasyon at tulong-pinansyal sa aktibidades na may kaugnayan sa aming produksyon.
Sa mga naloko at nabiktima, alam ninyo na. Ipakalat ang all points bulletin (APB) na ito sa inyong lugar upang hindi na makapanloko pa ang mga tarantado.
Para sa lehitimo at totoong mga social networking sites account ng BITAG, mag-log on sabitagtheoriginal.com.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest