EDITORYAL – Buwagin na lang ang SK kaysa mag-election
ITINAKDA ang Pebrero 21, 2015 para sa election ng Sangguniang Kabataan (SK). Una nang sinuspinde ang SK elections noong Oktubre 28, 2014, dahil kailangan daw maisaayos ang sistema nito. Itinakda nga ngayong Pebrero. Pero kamakailan, sinabi ng mga senador at kongresisya na sa 2016 na raw idaraos ang SK elections. Pero sabi naman ng Commmission on Elections, wala pa silang natatanggap ukol sa pagpapaliban.
Magulo ang SK kaya wala itong patutunguhan. Pinakamabuti kung huwag nang mag-election at buwagin na lamang. Makakatipid pa ang pamahalaan.
Noon pa wala namang pakinabang sa SK kaya dapat lamang mabuwag. Dapat tapusin na ang pamamayagpag ng mga nagiging SK chairman na anak din naman ng barangay chairman. Maraming barangay chairman na inihahalili sa puwesto ang kanilang anak na SK chairman kapag sila’y nagretiro na sa barangay. Maraming barangay sa buong bansa na ang namamayagpag ay ang ama at anak. Ang ama o ina ang barangay chairman at ang kanyang anak ang SK chairman. Pinakyaw na nila.
Nawala na ang talagang layunin ng SK at hindi na nagagampanan ang tungkulin para sa mga kabataan. Masahol pa, maagang namumulat sa katiwalian ang mga lider ng SK.
May mga SK chairman na hindi alam ang kanilang gawain. Hindi nila alam kung bakit mayroong SK at para saan nga ba ito. Nasasanay lang sa katiwalian ang mga SK chairman sapagkat ito ang nakikita nila sa barangay chairman. Natuto na sila kung paano “paiikutin” ang barangay. Marunong na silang magpatong sa mga proyekto sa barangay. Alam na nila kung paano kikita nang malaki at may maibubulsa sa mga ginagawang proyekto.
Huwag nang mag-election ang SK. Buwagin na ito nang tuluyan.
- Latest