War Zone
FLASH Report: SINAMANTALA ng isang Mrs. Roa ang pagretiro ni Calabarzon police director Chief Supt. Jesus Gatchalian at ipinatayo ang pergalan n’ya sa plaza ng San Pedro sa Laguna, malapit sa food chain na Chowking. Tingnan natin kung uubra itong si Mrs. Roa at ang mga pergalan nina Aleng Tessie, Jessica at Sonny Atienza sa Cavite kay Chief Supt. Edwin Erni, ang OIC ng Calabarzon police.
* * *
NAGMISTULANG war zone ang Kapitolyo ng Camarines Sur noong Enero 19 bunga sa sangkaterbang pulis na nakapaligid dito. Anim na back-to-back PNP vehicles na puno ng pulis ang naka-deploy sa Kapitolyo kahit hindi naman dadaan si Pope Francis doon o dili kaya’y wala namang plano ang NPA na lusubin ito. Sa totoo lang, andun ang mga pulis para lang eskortan ang mga alipores ng isang town mayor na ang pakay lang ay babawiin ang kanyang dalawang trak na kinumpiska ng Task Force Kalikasan. Sinabi ng mga kosa ko sa Bicol na hindi kaalyado ni Gov. Migs Villafuerte si mayor kaya’t humingi siya ng saklolo kay Sr. Supt. Primo Golingay, ang PD ng Camarines Sur. Ang masama lang, nakarating sa kaalaman ni Interior Sec. Mar Roxas na naghatag ng P250,000 si town mayor kay Golingay para sa serbisyo ng mga pulis. Boom Panes! Kaya’t kaagad iniutos ni Roxas kay PNP OIC Dep. Dir. Gen. Leonardo “Dindo” Espina na imbestigahan itong deployment ng pulis, na nagsilbing mga private army, sa Kapitolyo na nagdulot ng kaba at kung anong hakahaka sa mga empleado. Hehehe! Mukhang tagilid dito si Col. Golingay ah, di ba mga kosa? T’yak ‘yun!
Sinabi ng mga kosa na mga troso ang karga nitong mga trak ni mayor nang sakutehin ito ng Task Force Kalikasan. Ayon sa mga kosa ko sa Bicol, naglabas ng kautusan ang MTC na puedeng ibalik ang mga sasakyan kay mayor matapos itong magbayad ng kaukulang fine. Tumpak!
Hindi lang itong war zone ang reklamo ng mga kosa ko sa Bicol laban dito kay Golingay. Sinabi nila na itong si Golingay ay hindi lang protector ni town mayor kundi nagsisilbi din itong war dog ng isa pang pulitiko doon. Ayon pa sa mga kosa ko sa Bicol, sunud-sunuran itong mga tauhan ni Golingay, lalo na si Chief Inspector Chester Pomar, sa naturang pulitiko tulad ng paglikom ng salapi o war chest para sa darating na 2016 elections. Anila, ang kampo ng pulitiko ang nasa likod ng malawakang pasugalan at iba pang pagkakitaan sa Camarines Sur tulad ng jueteng, 2-balls, illegal fishing, illegal quarry at illegal logging. Boom Panes! Hehehe! Lagot kayo kay Roxas!
Ito palang si Golingay ay malapit nang mag-retiro kaya’t pati ang MOOE ng mga pulis ay pinapakialaman n’ya, ayon sa mga kosa ko sa Bicol. Palagi nitong binabanggit sa mga tauhan n’ya na hindi s’ya takot kina Roxas at Rep. Leni Robredo dahil wala naman s’yang pakinabangan sa mga ito kahit singko. Hehehe! Ano ba ‘yan? Dagdag pa ni Golingay, konti na lang ang panahon n’ya sa serbisyo kaya’t dapat makinabang siya ng husto. Boom Panes! Talagang mapapanis itong si Golingay dahil nakarating kay Roxas itong pagyayabang n’ya, di ba mga kosa? Abangan!
- Latest



















