Lalaki sa China, gumawa ng sariling dialysis machine!
ISANG lalaki sa China ang gumawa ng sariling dialysis machine dahil sa sobrang mahal nang pagpapa-dialysis sa mga ospital. Wala siyang pera para magpa-dialysis.
Si Hu Songwen ay nakatira sa isang maliit na bayan sa silangang bahagi ng China. Higit 20-taon na siyang may sakit sa bato. Dahil hindi niya kayang magbayad para sa tatlong beses na pagpapagamot kada linggo na kailangan para sa kanyang sakit, gumawa na lamang siya ng sariling dialysis machine.
Ang dialysis machine ay ginagamit upang masala ang dugo ng pasyente. Kapag bumigay na ang kidneys na katulad ng nangyari kay Hu, nawawalan na ng kakayahan ang katawan sa pagsala ng dugo. Kung hindi maagapan ay maari itong ikamatay dahil sa pagkalason mula sa dumi na hindi nasala mula sa dugo. Importante ang dialysis machine dahil ang makina ang gagawa ng trabaho ng isang kidney at magsasala ng dugo ng pasyente.
Bagama’t kumplikado ang mekanismo nito, nagawa ni Hu na gumawa ng sariling dialysis machine mula sa mga gamit sa kanyang bahay at sa kanyang nabasa mula sa isang medical textbook.
Ngayon ay nagagawa nang mag-dialysis ng regular ni Hu dahil gumagastos lamang siya ng higit sa $9 (katumbas ng P400) na 10 beses ang kamurahan kung ikukumpara sa ginagastos sa pagpapa-dialysis sa mga ospital.
Nagbabala naman si Hu sa mga gustong gumaya sa kanyang ginawa dahil delikado at maaring makamatay ito kung hindi gagana ang magagawang dialysis machine. Dalawa sa mga kaibigan niya ang namatay matapos nilang gamitin ang mga dialysis machines na sila mismo ang gumawa kaya mariin niyang sinasabihan ang mga tao na huwag basta-basta gagayahin ang kanyang ginawa.
- Latest