Manong Wen (173)
“WALA lang. Gusto ko lang malaman ang pangalan ng nanay mo, Princess,’’ sabi ni Jo na para bang nautal sa pagkakataong iyon pero mabilis din namang naibalik sa normal ang pagsasalita para walang mahalata si Princess.
Nakatingin naman si Princess sa kanya na parang naghihinala kung bakit biglang naungkat ang tungkol sa pangalan ng nanay nito.
‘‘Bakit mo nga naitanong? Nagtataka lang ako, Jo.’’
“Wala nga lang. Bigla ko lang naisip. Kasi ang ganda ng pangalan mo, Princess at ganundin si Precious. Siguro maganda rin ang pangalan ng nanay mo.’’
Hindi nagsalita si Princess. Parang naghihinala ito. Mabilis namang nakagawa ng paraan si Jo para hindi maghinala si Princess.
“Kasi naalala ko ang pangalan ng aking mahal na ina. Bigla ko tuloy siyang na-miss. Matagal na rin kasing patay ang aking ina. Nang maalala ko kanina habang patungo rito, bigla akong napaluha. Sana buhay pa ang aking ina...’’
Nakatingin si Princess sa kanya na parang nata-ngay na rin.
Nagpatuloy si Jo sa pagsasalita. “Naalala ko nung bata pa ako na naglalambing sa nanay ko. Kapag may sumakit sa akin --- halimbawa ay ulo, agad akong dumadaing kay Inay. Masuyo niyang hihilutin ang ulo ko at saka hahalikan. Tapos ay sasabihin na mawawala na iyon dahil hinalikan na niya. Aba, makalipas lamang ang ilang segundo, wala na nga ang sakit. Biglang nawala. Napakabisa pala ng halik ni Inay.
“Kaya nga kanina habang naglalakbay ako patungo rito, bigla kong naalala si Inay at napaluha ako. Ang sarap alalahanin ng kahapon sa piling ni Inay. Ang pangalan ng aking ina ay Encarnacion…’’
Nakatingin pa rin si Princess kay Jo. Halatang may namumuong luha sa gilid ng mga mata nito. Parang nata-ngay na nga ito sa mga ikinuwento ni Jo ukol sa inay nito.
“Kaya nga nang mamatay si Inay, sobrang lungkot ang nadama ko. Parang nawalan ako ng kakampi.’’
“Buti ka pa at walang ka-sing bait ang ina, samantalang kami ni Precious, walang ka-singsama ang ina!’’
Hindi makapagsalita si Jo. Tila nagatungan yata niya si Princess. Naikumpara kasi ni Princess ang nanay niya sa nanay naman ni Jo. Pero iyon lang naman ang magandang introduksiyon para mabuksan ang tungkol sa kanyang nanay. At hindi na niya maaaring bawiin ang sinabi ukol sa kanyang ina, dahil nasimulan na niya. Baka lalong makahalata si Princess.
“Sana buhay pa si Inay ngayon para napapaglingkuran ko nang maayos. Sana natikman niya ang sarap ng buhay. Para nalasap naman niya ang ginhawa. Kung kailan kasi marami na akong pera saka naman siya wala na. Kung kailan marami nang gagastusin saka naman wala nang gagastusan.’’
“Di ba kung sino raw ang mabait at mabuti ay siya agad namamatay. Tingnan mo ang nanay ko, masama kaya hanggang ngayon, buhay pa!’’ sabi ni Princess at umismid.
“Bakit alam mong buhay pa ang nanay mo?’’
“Palagay ko buhay pa yun dahil masamang damo!’’
Nakakita ng pagkaka-taon si Jo.
“Ano nga ang pangalan ng nanay mo?’’
“Diana.’’
“Ang gandang pangalan! Kaya siguro Princess ang pinangalan sa’yo.’’
“Ano namang kaugna-yan niyon?’’
“Di ba galing ang pa-ngalan mo kay Princess Diana ng Wales.’’
Napahagikgik si Princess.
“Ang korni mo.’’
Nagtawa si Jo.
‘‘Ba’t mo nga naitanong ang name ng nanay ko?’’ tanong muli ni Princess at eksakto namang lumabas si Precious at narinig ang pag-uusap nila.
Nakaismid ito nang sumali sa usapan nila.
(Itutuloy)
- Latest