Isla sa UK, hindi pa nagdiriwang ng pasko at bagong taon
PAPATAPOS na ang holiday season sa buong mundo pero mayroong isang isla sa United Kingdom na hindi pa nagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Sa Enero 6 pa ipagdiriwang ang Pasko sa isla ng Foula samantalang gugunitain naman ng mga nakatira roon ang pagpasok ng Bagong Taon, 7 araw pagkatapos ng kanilang pagdiriwang ng Pasko.
Naiiba ang petsa ng kanilang mga pagdiriwang dahil ginagamit pa rin nila ang lumang Julian calendar na pinalitan noon pang taong 1582 ng Gregorian calendar na ginagamit ngayon nang halos lahat ng tao. Sa sobrang bagal ng pagbabago sa Foula, noon lamang 1980s nagkaroon ang isla ng mga linya ng kuryente at tubig.
Maliit lamang ang isla ng Foula, na higit lamang ng kaunti sa limang kilometro ang haba at apat na kilometro ang lapad. Nasa 30 katao lamang ang nakatira sa isla kaya naman sama-sama nilang gugunitain ang kanilang naiibang Pasko sa isang malaking bahay sa Isla.
Nanatili ang paggamit nila ng lumang kalendaryo dahil napakaliblib ng Foula. Ito rin ang dahilan kung bakit napapanatili ng mga taga-Foula ang kanilang mga tradisyon at kultura.
- Latest